Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukala na magbibigay ng exemption sa buwis at subsidiya sa lokal na industriya ng pelikula at musika.

Layunin ng panukalang Film and Live Events Recovery Act (House Bill 10541) na magtuloy-tuloy ang oportunidad ng mga Pilipino na magkaroon ng trabaho sa creative industry partikular sa larangan ng pelikula, musika at live events.

Sa ilalim ng panukala, ang mga locally produced operas, konserto, drama, musical play, recital, painting at art exhibitions ay bibigyan ng exemption sa pagbabayad ng amusement tax kung hindi bababa sa 10 porsyento ng equity ng produksyon ay pagmamay-ari ng mga Pilipino.

Ibinababa rin sa 5 porsyento ang kasalukuyang 10 porsyento amusement tax na ipinapataw sa gross receipt ng admission fee.

Ang kita mula sa amusement tax ay dapat ding ilaan sa mga programa, aktibidad, at proyekto sa creative sector ng probinsya o munisipalidad kung saan ito nakolekta.

Pansamantala ring sinususpendi ng panukala ang kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan na magpataw ng amusement tax sa loob ng dalawang taon.

The post Panukalang tax exemption sa film, music industry umusad sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukalang-tax-exemption-sa-film-music-industry-umusad-sa-kamara1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=panukalang-tax-exemption-sa-film-music-industry-umusad-sa-kamara1)