Humiling ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) sa mga miyembro nitong ospital na i-obserba ang ‘PhilHealth holiday’ sa Enero bilang paraan ng pagsuporta sa mga pagamutang naghayag ng pagkalas sa PhilHealth.

Ayon kay PHAPi President Dr. Jose De Grano, ang PhilHealth holiday ay pagpapakita nila ng suporta sa Far Eastern University-Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF) at ilan pang mga pagamutan sa bansa na kakalas na sa PhilHealth sa darating na Enero.

Ang pagkalas ng mga naturang pagamutan ay bunga ng mga hindi nabayarang claim ng PhilHealth.

Dahil umano sa ‘di pagbabayad ng PhilHealth, umabot sa P114 milyon ang receivable ng FEU-NRMF at tumaas din ang kanilang exposure ng P8 milyon.

“Maaaring mabigat para sa ibang ospital ang talagang kumalas kaagad dahil may mga serbisyo po na talagang dependent sa PhilHealth. Ipapakita po namin na sinusuportahan namin ang mga hospital na ito na kumakalas at ine-encourage namin sila [PHAPi members] na January 1 to 5, magkaroon muna tayo ng PhilHealth holiday,” wika ni De Grano sa panayam ng TeleRadyo.

“Hindi po muna kami magdeduct ng PhilHealth benefits,” dagdag pa niya.

The post ‘PhilHealth holiday’ ilalarga ng PHAPi first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/philhealth-holiday-ilalarga-ng-phapi/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=philhealth-holiday-ilalarga-ng-phapi)