LA TRINIDAD, Benguet—Malamig man ang panahon, mainit namang tinanggap ng mga taga-Cordillera Administrative Region si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na nagtungo sa probinsyang ito para talakayin ang isinusulong niyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program.

Bumisita ang presidential candidate ng Partido Reporma sa La Trinidad nitong Sabado (Disyembre 18) makaraan ang paglunsad niya at ng running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ng opisyal na imbestigasyon hinggil sa talamak na agricultural smuggling na 20-taon nang nagpapahirap sa mga magsasaka sa Cordillera.

Sa ginanap na “Online Kumustahan” sa Benguet Sports Complex na dinaluhan ng mga residente at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan, ipinaliwanag ni Lacson kung gaano kalaki ang maitutulong ng BRAVE sa pagreresolba sa mga problema ng mga local government unit (LGU).

Paliwanag ni Lacson, sa ilalim ng BRAVE ay maipamamahagi sa mga LGU ang tinatayang P400-bilyong badyet na hindi nagagamit taon-taon. Gamit nito, mapopondohan na ang mga prayoridad na local development project na ipatutupad mismo ng mga lokal na opisyal.

“Bakit hindi na lang natin ibaba sa local government units tulad ng Benguet, down to the barangays? Kapag kinuwenta natin, kayang-kaya palang bigyan ng P1-billion bawat isang probinsya,” pahayag ni Lacson.

Mahalaga umano ang dagdag na pondong ito para sa mga development project katulad sa Benguet na ayon kay Governor Melchor Diclas ay may malaking suliranin sa irigasyon para sa mga bukid sa kabundukan.

Hiwalay pa ito sa 20-porsyento na karaniwang inilalaan para sa naturang proyekto mula sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga LGU. Sa ilalim ng BRAVE, ang mga lungsod at munisipalidad ay maaaring makatanggap ng hindi bababa sa P100-milyong dagdag na pondo at P5 milyon para sa bawat barangay.

Ayon pa sa batikang mambabatas, kung magagamit ng mga lokal na opisyal ang lahat ng mga dagdag na pondong ito, madaling makakamit ang maayos na irigasyon para sa probinsya na tinaguriang ‘Salad Bowl of the Philippines’. Dagdag pa rito, posible na rin ang pagbibigay ng supply ng kuryente sa lahat ng mga barangay.

“Imagine taun-taon may darating na ganyang pondo. ‘Pag hindi [pa] naman umasenso ang Benguet at ang bawat bayan, bawat barangay, ewan ko na lang,” sabi pa ni Lacson.

Binanggit din ni Lacson na plano nila ni Sotto na tularan ang ginawa ni Partido Reporma secretary-general at Davao del Norte Governor Edwin Jubahib sa kanyang probinsya. Matagumpay kasi niyang naresolba ang posibleng pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa mga hindi naibebentang produkto sa merkado.

Sa Davao del Norte aniya, mismong ang provincial government ang bumibili ng lahat ng mga produkto ng mga magsasaka sa sarili nilang presyo na ibinebenta naman sa mga pampublikong pamilihan. Dahil dito, nasisiguro ang kita ng mga magsasaka habang may dalawang-porsyentong tubo ang lokal na pamahalaan mula sa investment nito.

“Umasenso ang buhay [ng mga magsasaka sa Davao del Norte] dahil nga pinakikinabangan na nila ‘yung kanilang ani. Imagine kung mangyari ‘yan dito sa Benguet, sa tulong ng provincial government, sa tulong ng national government,” ani Lacson.

“At kaya naman ‘yon lahat kasi nga merong pondong darating taun-taon. So, ‘yun po ‘yung solution na inihahain namin dito at kaya natin ‘yong gawin, doable, kasi nga nandiyan ang pera, hindi lang nagagamit,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi ni Diclas na malaki ang maitutulong ng programa na iniaalok ni Lacson para sa kanyang mga nasasakupan. Pinasalamatan niya rin ang Partido Reporma standard-bearer at mga kasama nitong senatorial aspirant na sina Dr. Minguita Padilla at Monsour del Rosario sa pagbisita sa kanilang probinsya upang mailahad ang kanilang mga adbokasiya.

“‘Yung programa ng BRAVE, beneficial talaga sa local government—‘yung maibibigay na P1-billion per year sa probinsya; P100-million sa munisipyo; saka P5-million sa barangay—so malaking tulong ‘yon. Malaking funding ‘yon na pwedeng makatulong sa mga tao natin,” sabi ni Diclas.

Higit 260 LGU official at mga residente mula sa La Trinidad at kalapit na mga bayan tulad ng Bakun, Bokod, Itogon, Kabayan, Kibungan, Mankayan, Sablan, Tuba at Tublay ang personal na dumalo sa isinagawang “Online Kumustahan” event kung saan mahigpit na ipinatupad ang social distancing at iba pang health protocol para makaiwas sa COVID-19.

Bago ito, nagkaroon ng courtesy call ang tatlong kandidato ng Partido Reporma kay Diclas sa provincial capitol, kung saan sinalubong sila ng tradisyunal na ritwal.

Nagtanghal din sa programa ang legendary Filipino folk rock band na ASIN na pinangunahan ng frontwoman nito na si Lolita Carbon. Tinugtog ng banda ang kanilang classic hit na “Kapaligiran,” na inialay ni Carbon sa mga biktima ng Bagyong Odette, gayundin ang “Bayan Kong Mahal,” na isinulat ng banda bilang pagsuporta sa “We Need a Leader Movement.

The post Ping: Bansa ibabangon ng BRAVE at matinong lider first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-bansa-ibabangon-ng-brave-at-matinong-lider/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-bansa-ibabangon-ng-brave-at-matinong-lider)