Isang pinunong hindi mabubuhay sa nakaraan, ngunit patuloy na aalalahanin ang mga naging karanasan ng buong sambayanan upang gabayan ang kanyang mga aksyon sa kasalukuyan at hinaharap, ganito nais ilarawan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang kanyang magiging liderato.

Sa isang panayam sa radyo nitong Miyerkules, inihayag ni Lacson na ibabalik niya ang ‘sense of accountability’ o pananagutan sa tungkulin na tila nawala sa hanay ng mga nasa gobyerno sa paglipas ng panahon na nagdulot ng kakulangan sa serbisyo publiko pati katiwalian.

“Maraming dapat iwasto pero hindi para maghanap ng kamalian. Pero kapag napakalinaw naman ‘yung ginawang pagnanakaw lalo… Ito, ini-emphasize ko lagi, ‘yung pagnanakaw sa kaban ng bayan sa akin talagang walang kapatawaran ‘yon e,” paliwanag ni Lacson.

Sinabi ni Lacson sa mga mamamahayag na sina Tony Velasquez at Danny Buenafe na iiwas siya sa mga nakagawian ng mga nagdaang pangulo na piniling mangalkal ng maaaring ikaso sa papalitang administrasyon sa halip na resolbahin ang mga problema ng bansang ninais niyang manahin.

“Ang analogy ko, Tony, subukan mong maglakad at ‘yung ulo o mata mo nakatingin sa likod at lumilingon ka lagi. Matatapilok ka, hindi ka makakarating sa pupuntahan mo,” pahayag ni Lacson sa programang ‘Ikaw ang On the Spot: The Presidential Candidates Interview’ sa DZMM Teleradyo.

“Hindi naman ibig sabihin patawad na lahat ‘yung mga kasalanan, lalo’t ‘yung malalaking kasalanan, especially ‘yung pag-abuso sa kaban ng bayan. ‘Yan talaga ‘yung pag-uukulan ko ng pansin. Kailangan merong accountability—past, present and future,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Lacson, nais niyang pamunuan ang isang gobyernong marunong gumalang sa mga alituntunin ng batas sa lahat ng oras. Ayaw niyang makilala bilang isang pangulo na namumuno sa mga kapwa opisyal na tila mga ‘itik’ at sunud-sunuran lamang.

“‘Pag may bagong administration parang alam mo ‘yung mga itik, hindi ba, sunud-sunod lahat doon? Kung sino ‘yung lider, lahat nakasunod doon, lahat gusto sumama. Ang napaka-importante ‘yung adherence to the rule of law,” sabi ni Lacson.

“Of course, dapat papanagutin, hindi lamang ‘yung [past], lalo na ‘yung present at saka sa future na mga pagkakamali dapat talagang tugunan; otherwise, we are lost as a country. Wala na tayong pag-asa,” giit pa niya.

Sa pamamagitan ng kanyang kampanya kontra katiwalian at mga plano tungo sa maayos na pamahalaan, alinsunod sa kanyang panukalang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE), hangad ni Lacson na manumbalik muli ang tiwala ng publiko sa gobyerno gayundin ang dignidad ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.

The post Ping: Pwede mag-move on, pero ‘never forget’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-pwede-mag-move-on-pero-never-forget/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-pwede-mag-move-on-pero-never-forget)