Para mapaunlad ang bansa at maiahon ang mga Pilipino mula sa matinding epekto ng pandemya sa kalusugan, negosyo, agrikultura, kabuhayan at iba pa, kinakailangan ng isang matalinong politiko na kayang magbigay ng matalino ring mga solusyon para rito, ayon kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson.

“Napakalawak ng ating problema. At ang solusyon ay dapat manggaling din sa tough na mga solusyon, at ang tough solutions ay pwede lang manggaling sa mga tough leader—‘yung may kakayahan, katapatan, katapangan,” sabi ng batikang mambabatas.

Aniya, “So, maging mapanuri tayo at pagdating ng halalan, mamili tayo sa inaakala nating merong mai-o-offer na maayos na solusyon sa lahat ng problema ng ating bansa.”

Naniniwala ang presidential candidate na kasama sa pagsusuri na kailangang gawin ng mga Pilipino para sa Halalan 2022 ang siraan at bangayan na umiiral sa ilang mga kandidato at maging sa kanilang mga supporter.

Aniya, “Itaas natin ang antas ng usapan sa pulitika. Pag-usapan natin ang totoong isyu ng bayan at ilatag natin ang ating mga plataporma. Wala tayong panahon para sa siraan at bangayan. Samahan ninyo kami na ayusin ang gobyerno para maayos ang buhay ng bawat Pilipino.”

Sa kabila ng lumalabas na resulta ng survey, naniniwala si Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mananaig pa rin ang matalinong boto ng mga Pilipino. Kaya naman nagpapatuloy lang ang dalawa na maipaabot sa mas maraming kababayan ang kanilang mga mensahe at plataporma.

Ayon sa dalawang batikang mambabatas, ibinase nila ang mga programang ito mula sa 42-taon ng kanilang pinagsamang karanasan sa Senado, kaya naman naniniwala silang matibay nitong masosolusyonan ang mga problema ng bansa.

Mensahe pa ni Lacson, “May pakialam po tayong lahat at minsan sa anim na taon, minsan sa tatlong taon, lalong napakalaki ng ating pakialam. Lalo na ‘yung ating mga kabataan. Sila ‘yung magmamamana, sila ‘yung future, sila ‘yung hope ng ating bansa.”

The post Ping: Siraan, bangayan huwag na ipauso sa 2022 first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-siraan-bangayan-huwag-na-ipauso-sa-2022/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-siraan-bangayan-huwag-na-ipauso-sa-2022)