Walang katotohanan ang ulat na pinagpaplanuhan umano ng mga lokal na opisyal sa Mindanao ang pagbawi sa isla ng Sabah na inaangkin ng Malaysia.

Kasunod ito ng napaulat na pulong noong December 1 ng gobernador ng Sulu at 19 na alkalde.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na walang katotohanan ang ulat hinggil sa planong pagbawi sa Sabah, bagkus ay tinawag niya itong fake news.

“Fake news po. We will not anymore add any statement to that, but that is actually fake news,” ani Nograles.

Nilinaw naman ni Joint Task Force Sulu Spokesman Lt. Jerrica Manongdo na nagkaroon ng pulong ang mga lokal na opisyal noong December 1, 2021 subalit wala aniyang kinalaman ito sa isla ng Sabah.

Sinabi ng opisyal na ang pinag-usapan ng mga lokal na opisyal ay kung paano paigtingin ang seguridad at pagbabantay sa maritime borders ng Sulu sa harap ng banta ng Omicron COVID variant at mga piratang namemerwisyo sa mga barkong dumadaan sa karagatan ng Sulu.

Mayroon ng kaso ng Omicron variant sa Malaysia na pinakamalapit na bansa sa Pilipinas kaya hinigpitan ang borders sa Sulu at iba pang lugar sa Mindanao.

The post Planong pagbawi sa Sabah fake news – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/planong-pagbawi-sa-sabah-fake-news-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=planong-pagbawi-sa-sabah-fake-news-palasyo)