Para kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sablay ang prayoridad na gagastusan ng gobyerno ng P5.024 trilyong pondo sa 2022.
Sinabi ni Zarate na maliit ang pondo para sa kalusugan kahit pa nagpapatuloy ang problema sa COVID-19 at unti-unti namang tumataas ang bilang ng mga nahahawa at nakapasok na rin sa bansa ang kinatatakutang Omicron variant.
Habang mayroon umanong P51 bilyon para sa special risk allowance (SRA) ng mga health workers at P48.2 bilyon para sa booster shot inilagay naman ito sa unprogrammed funds o mapopondohan lamang kapag nagkaroon ng sobrang pera ang gobyerno.
Ayon kay Zarate dapat ay gamitin na lamang ang P15.16 bilyong budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa COVID-19 response ng gobyerno.
Sinabi ni Zarate na P1.2 bilyon lang ang nadagdag sa health budget at kung ikukumpara ang P189.76 bilyong budget nito (hindi kasali ang subsidy sa PhilHealth, GOCC hospitals at PITAHC) ay mas malaki pa ang pondo ng Armed Forces of the Philippines na P213.78 bilyon at Philippine National Police na may P190.69 bilyon.
Malayo din umano ang health budget sa P785.73 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman umano ay mayroong P204.76 bilyon budget na “mas malaki ng kaunti kaysa budget ng PNP at mas maliit kaysa budget ng AFP.”
Ang Department of Trade and Industry (DTI) naman umano na siyang tutulong sa mga maliliit na negosyante ay may budget lang na P21.94 bilyon.
“Mas kailangan talagang maibalik sa direktang papakinabangan ng mamamayan ang 2022 budget dahil matindi pa din ang krisis na pinalala ng pandemya lalo pa ngayon at nakapasok na ang Omicron variant sa bansa at tumataas na din uli ang bilang ng nagkaka-Covid. Dagdag pa dito ang mga maraming nasalanta ni Odette. Dapat ay ito ang inuna ng administrasyon at hindi ang pagpostura lamang kaya nilagay sa unprogrammed funds. Ang national budget ay para sa kapakinabangan dapat ng mamamayan, hindi ito dapat nilulustay sa mga paninira, paninikil at pamumulitika,” giit ni Zarate.
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/prayoridad-ng-p5-024t-budget-sablay-bayan-muna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=prayoridad-ng-p5-024t-budget-sablay-bayan-muna)
0 Mga Komento