Natuklasan na patuloy na nakatanggap ng tulong para sa COVID-19 pandemic si Pastor Apollo Quiboloy mula sa gobyerno ng Amerika sa kabila ng pagsalakay ng Federal Bureau of Investigation sa kanyang simbahan sa Los Angeles noong Enero 20, 2020 kaugnay ng human trafficking.

Bahagi ang mga tseke ng Paycheck Protection Program loans na ipinagkakaloob ng Small Business Administration para tulungan ang mga negosyante at simbahan sa Amerika na maka-survive sa COVID-19 pandemic, ayon sa Inquirer report.

Unang tseke na natanggap umano ni Quiboloy ay nagkakahalaga ng $48,300 na inilabas noong Hunyo 29, 2020 at $48,727 na inilabas naman nitong Marso 12.

Batay umano ito sa datos ng US Treasury Department na nakuha ng FederalPay.org, isang nongovernmental organization na sumusubaybay sa daloy ng mga federal dollar.

Nakuha ni Quiboloy ang unang tseke noong si Donald Trump pa ang US president habang ang pangalawang tseke ay nang maihalal na si Joe Biden.

Noong nakaraang buwan, kinasuhan si Quiboloy at walo niyang kasamahan sa Kingdom of Jesus Christ sa Amerika ng sex trafficking, money laundering at immigration fraud.

Sinasabing nagre-recruit umano si Quiboloy ng mga babaeng edad 12 hanggang 25 para magtrabaho bilang mga personal assistant, ngunit kinakailangan silang makipagtalik kay Quiboloy sa ilalim ng banta na “eternal damnation”. (IS)

The post Quiboloy tumanggap pa ng COVID ayuda sa US first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/quiboloy-tumanggap-pa-ng-covid-ayuda-sa-us/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=quiboloy-tumanggap-pa-ng-covid-ayuda-sa-us)