Bagama’t pabor si Senador Win Gatchalian sa pagpapalawig ng pilot implementation ng limited face-to-face classes, binigyang-diin niya na dapat paigtingin at ipagpatuloy ang pag-iingat lalo’t patuloy na tinututukan ang banta ng Omicron variant.

Mahigit isang daan at pitumpung mga paaralan ang lumahok sa pilot run ng limited face-to-face classes. Sa National Capital Region (NCR), dalawampu’t walong (28) paaralan ang pinahintulutang lumahok sa pilot run.

Para kay Gatchalian, dapat kasabay ng unti-unting pagbubukas ng mga paaralan ang mas mabilis na pagbabakuna ng mga guro at mga mag-aaral na nasa tamang edad.

Dapat din aniyang ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards at simulan ang regular na COVID-19 testing para sa mga guro.

“Magandang balita ang pagpapalawig ng dry run ng limited face-to-face classes ngunit dapat ipagpatuloy natin ang pag-iingat at pagpapabakuna, lalo na’t hinaharap natin ang banta ng Omicron variant,” ani Gatchalian.

“Gamitin natin ang pagkakataong meron tayo upang matuto kung paano natin matitiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga kabataan sa mga paaralan,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Nagpasalamat din si Gatchalian sa mga guro, mga kawani, at mga school officials na nanguna sa paghahanda para sa limited face-to-face classes.

“Nagpapasalamat at nagbibigay pugay po ako sa mga guro, mga non-teaching staff, mga school officials, supervisors, at superintendents para sa kanilang patuloy na dedikasyon,” ayon kay Gatchalian.

“Simula noong sumiklab ang pandemya hanggang sa unti-unting pagbubukas ng ating mga paaralan, ang ating mga education frontliners ang nanguna sa pagpapatuloy ng edukasyon,” saad pa nito. (Dindo Matining)

Jak Roberto isiniwalat kung kailan siya na-inlab kay Barbie Forteza

The post Sa pagbabalik-eskwela ng mga bagets: Mag-ingat pa rin – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sa-pagbabalik-eskwela-ng-mga-bagets-mag-ingat-pa-rin-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sa-pagbabalik-eskwela-ng-mga-bagets-mag-ingat-pa-rin-gatchalian)