Pinasalamatan ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang Department of Tourism Region V sa pagkilalang iginawad nito sa probinsiya pagdating sa pinakamaraming proyektong pangturismo mula 2019 hanggang 2021.

Kasabay nito, nananalig si Escudero na ang mga ginawa nilang pagpapaganda sa probinsiya habang may pandemya ay makakaengganyo ng mga lokal at dayuhang turista kapag mas komportable nang magbiyahe uli.

“Nagpapasalamat ako sa ating DOT Region V sa pagkilala sa ating lalawigan bilang No. 1 sa buong ka-Bikulan pagdating sa mga tourism development projects sa loob ng halos tatlong taon kong panunungkulan bilang gobernador,” ani Escudero.

Pinapurihan ng gobernador ang kanyang grupo sa pamahalaan ng probinsiya, lalo na ang Sorsogon Provincial Tourism Office na pinamumunuan ni Bobby Gigantone, at pati na ang kooperasyon ng 14 bayan at isang siyudad ng Sorsogon dahil sa pagsusumikap nilang mas maiangat pa ang turismo ng lalawigan.

“Paunti-unti nang nagbubukas ang international and local borders dahil sa patuloy na pagbuti ng sitwasyon sa COVID-19. So konting panahon na lang at magbibiyahe na uli nang magbibiyahe ang mga tao. Naniniwala ako na hindi masasayang ang lahat ng aming pagsusumikap para malagay ang Sorsogon sa mapa ng magagandang destinasyon ng turismo, ma-lokal man o international,” ani na Escudero na kumakandidato para sa bagong termino sa Senado.

Ang Plaque of Commendation ay tinanggap mismo ni Gigantone mula kay DOT Regional Director Herbie B. Aguas kasabay ng isa pang pagkilala sa “Digital/ Social Media Campaign” ng Provincial Tourism Office kung saan pumutok sa Instagram ang #MahalKongSorsogon.

The post Sorsogon humakot ng 2 tourism awards — Chiz first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sorsogon-humakot-ng-2-tourism-awards-chiz/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sorsogon-humakot-ng-2-tourism-awards-chiz)