Nagmintis si Stephen Curry ng kanyang pang-lamang na tres ngunit napulot naman ni Kevon Looney ang rebound at ipinasok ang putback tungo sa 102-100 panalo ng Golden State Warriors kontra Indiana Pacers ngayong Martes.

Tabla ang iskor sa 100-100 bago sinubukan ni Curry na dalhin ang Warriors sa panalo sa pag-attempt ng tres na nagmintis.

Sa tapikan ng bola, napunta ang rebound kay Looney na agad namang umangat para sa pang-lamang na putback para ibigay sa Warriors ang abante may 14 segundo sa laro.

Hindi na nakasagot ang Indiana sa huling possession ng laban.

Umiskor si Curry ng 26 points kabilang ang limang tres na lalong naglapit sa kanya sa all-time three points record na hawak ni Ray Allen.

Samantala, nag-ambag si Looney ng 14 points at walong rebounds.

Nanguna naman para sa Pacers si Domantas Sabonis na kumana ng 30 points at 11 rebounds, habang nagdagdag si Malcolm Brogdon ng 23 points.

The post Warriors sinagip ni Looney first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/warriors-sinagip-ni-looney/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=warriors-sinagip-ni-looney)