Naniniwala si mayoral candidate at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na dapat maramdaman ng mga residente ng Quezon City ang laki ng pondo na mayroon ang pamahalaang panlungsod.

“Ang pondo ng Quezon City P30 bilyon, nararamdaman nyo ba yan? Nabibigyan ba kayo dun? Nagkakaroon ba kayo ng benepisyo? Yan po ang dapat magbago,” pahayag ni Defensor sa kanyang pakikipag-usap sa mga taga-Barangay Bagbag.

Ikinalulungkot umano ni Defensor na hindi naibibigay ng pamahalaan ng Quezon City ang mga benepisyo na natatanggap ng mga taga-ibang lungsod sa Metro Manila, kahit pa ito ang may pinakamalaking budget sa buong rehiyon.

“Ang pondong yan buwis ninyo. Pag nagtitinda kayo nagbabayad kayo ng business permit, nagbabayad kayo sa lupa, binabayaran nyo imprastraktura, bawat bili ninyo merong buwis na pumapasok sa gobyerno, at yang buwis na yan, ang pondo ng gobyerno dapat maibalik sa inyo, mapakinabangan ninyo,” aniya.

Kaya naman, sakaling mahalal na alkalde, itutulak ni Defensor ang mas malaking budget sa edukasyon, kasama na rito ang pagbibigay ng lingguhang allowance sa mga nasa kolehiyo.

“Kasi alam ko na tanging edukasyon lamang ang pwede kong itulong sa kanila para magbago ang takbo ng kanilang buhay. Para magkaroon ng pag-unlad ang kanilang pamilya,” dagdag pa ng mayoral candidate.

The post Yaman ng QC dapat ramdam ng residente – Defensor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/yaman-ng-qc-dapat-ramdam-ng-residente-defensor1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=yaman-ng-qc-dapat-ramdam-ng-residente-defensor1)