Mayroon pang isa at kalahating milyong senior citizen na hindi pa nakakatanggap ng bakuna kontra COVID-19 sa kabila ng maraming supply nito.
Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na ang mga senior citizen ang madaling kapitan ng COVID-19 at madaling mapuno ang mga ospital kapag sila ang tinamaan ng mabagsik na virus.
“Mayroon po tayong estimated na 1.5 million seniors na hindi pa nababakunahan. If they’re stressing that our senior citizens are the most vulnerable to the risk posed by severe and critical COVID-19, for perspective po, itong 1.5 million na bilang na ito kaya na nitong punuin ang ating mga ospital kung tamaan sila ng COVID-19,” ani Nograles.
Dahil dito muling nanawagan ang Palasyo sa mga senior citizen na magpabakuna na para hindi makompromiso ang kalusugan laban sa COVID-19.
Hindi na aniya problema ang bakuna dahil maraming dumating na supply ang gobyerno nitong Disyembre kaya dapat na pumunta na ang mga ito sa vaccination centers.
“Kaya, nakikiusap po kami na agad na magpabakuna ang ating mga lolo at mga lola. Get your vaccines po para iwas hospital sa 2022 po,” dagdag ni Nograles.
Hindi aniya dapat na maging kampante dahil nananatili ang banta ng COVID-19 at ang bagong variant na Omicron na ngayon ay nakapasok na sa bansa.
“We reiterate that we cannot be complacent and we cannot take anything for granted because the threat posed by the Omicron variant is real,” wika ni Nograles.
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/1-5m-senior-citizen-hindi-pa-bakunado/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=1-5m-senior-citizen-hindi-pa-bakunado)
0 Mga Komento