Hindi nakaligtas sa COVID-19 ang 25% healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH) matapos tamaan at magpositibo ang mga ito sa virus.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni PGH spokesman Dr. Jonas del Rosario na dahil sa malaking bilang ng mga nagka-COVID nilang staff at support workers, napipilay ngayon ang kanilang puwersa.
Nasa halos limang libo aniya ang bilang ng frontliners at healthcare workers ng PGH, habang dalawang libo naman ang direktang nasa COVID operations.
“Marami sa aming healthcare workers ang nagkaka-COVID. 25% ng aming workforce ngayon ang may COVID. Napakalaking bilang ‘yon lalo na sa mga key area, napipilay po kami,” ani Del Rosario.
Bukod sa nagpositibo sa COVID-19, 40% aniya sa kanilang staff ang naimpeksiyon o kaya ay na-expose sa isang COVID positive kaya marami ang naka-quarantine sa kasalukuyan.
“Marami rin ang nagka-quarantine, kailangan i-quarantine dahil na-expose sila at 40% ng aming workers are either infected or na-expose,” dagdag ni Del Rosario.
Pero sinabi ng PGH official na ipinapatupad na nila ngayon ang bagong regulasyon ng Inter-Agency Task Force na hindi na kailangang i-quarantine ang mga na-expose subalit asymptomatic, at tuloy lang ang trabaho dahil kulang na ang kanilang mga staff.
“In-adapt na namin ang resolusyon ng IATF na lahat ng mga asymptomatic na na-expose, hindi na namin sila pinagka-quarantine basta wala silang symptoms eh tuloy lang ang trabaho kasi hindi namin kayang i-quarantine ang napakaraming empleyado, doktor, nurses at mga support staff kasi wala nang magseserbisyo sa ospital,” wika ni Del Rosario.
The post 25% health worker ng PGH sapol ng COVID first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/25-health-worker-ng-pgh-sapol-ng-covid/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=25-health-worker-ng-pgh-sapol-ng-covid)
0 Mga Komento