Sa gitna ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, pinaalalahanan ni Senador Sonny Angara ang publiko na manatiling maingat at gumawa ng kaukulang hakbang para maprotektahan ang sarili mula sa posibleng pagkahawa.

Dahil sa paglobo ng kaso nitong nagdaang linggo, muling siyang nanawagan sa lahat ng hindi pa nababakunahan na magpaturok nang sa gayon ay may proteksyon na sila laban sa virus.

Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na 85 porsiyento ng mga pasyente na may COVID-19 at nasa intensive care unit ng mga ospital ay pawang hindi pa nabakunahan.

“Nakakaalarma ang panibagong pag angat ng mga kaso ng COVID sa bansa. Ayon sa mga eksperto, ang bagong COVID variant na Omicron ay mas nakakahawa kaya mas mainam na ang lahat ay magkaroon ng proteksyon sa pamamagitan ng pagbakuna kontra sa COVID-19,” sabi ni Angara.

“Sapat naman ang supply ng bakuna sa bansa ngayon at ito ay bibigay na libre ng ating pamahalaan. Malinaw din ang datos na nagpapatunay na mas ligtas ang taong bakunado kesa sa hindi kaya wala talagang dahilan para hindi pa sumailalim sa pagpapabakuna,” dagdag nito.

Bilnang sponsor ng Republic Act 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, bingyang-diin ni Angara dapat magtuloy-tuloy lang ang DOH at local government units sa pagtuturo sa tao tungkol sa kaligtasan at benepisyo ng bakuna para mahikayat ang mga hindi pa nababakunahan na maturukan na.

Hinimok din nito ang mga magulang na pabakunahan din ang kanilang mga anak na may edad 12 hanggang 17.

Nauna nang inaprubahan ng Food and Drug Administration ang paggamit ng Pfizer BioNTech vaccine para sa mga bata na may edad lima hanggang 11 at inaasahang sisimulan na ito sa lalong madaling panahon.

Matapos mabakunahan, pinaalalahanan din ni Angara ang publiko na patuloy pa ring iobserba ang minimum health protocol kapag lumabas ng kanilang mga tahanan.

“Kahit nabakunahan na tayo ay kailangan pa din sundin ang mga health protocols kabilang na ang pagsuot ng face mask. We all have a responsibility to prevent the spread of COVID and it all starts by getting vaccinated,” ani Angara.

“Sundin natin ang mga patakaran ng bawat lungsod at kung maaari ay ‘wag na lumabas kung hindi naman kinakailangan. Ayaw na natin maranasan ulit ang mga mahihigpit na lockdown kung saan lahat tayo ay apektado,” sambit pa nito.

The post Angara sa publiko: Mga bakunado mas ligtas sa COVID first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/angara-sa-publiko-mga-bakunado-mas-ligtas-sa-covid/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=angara-sa-publiko-mga-bakunado-mas-ligtas-sa-covid)