Bukod sa kanyang pagkakasakit ng COVID-19, ibinuking ni Anjo Yllana na ang tunay na dahilan ng pag-atras niya sa pagtakbo sa 2022 elections ay ang kakulangan ng badyet.
Si Yllana ay kakandidato sanang kinatawan ng ikaapat na distrito ng Camarines Sur.
Matatandaang sa kanyang Facebook post ay inanunsyo ng actor-politician na ang pagkakaroon niya ng COVID na sinamahan pa ng acid reflux at asthma ang sanhi ng kanyang pag-atras ng kandidatura.
Ngunit sa panayam ng DZRH, inamin ni Yllana na kakulangan sa pera ang tunay na rason sa likod ng kanyang desisyon.
“To tell you honestly, I have a working budget, kasi merong tumutulong. Merong nagri-receive nito o kumukuha. Hindi ko naman pinapakialaman kung magkano ang hawak nila,” kwento ng aktor.
“Unfortunately, yun nga… medyo sabihin na natin para madali, ninakaw yung pera. Monthly kasi, yung sponsor ko, may ibinibigay na budget, hindi ko alam kung magkano eksakto yun. Basta ako, kung ano ang kailangan ko, hinihingi ko,” dagdag pa nito.
Ayon kay Yllana, bago makarating sa kanya ang pera mula sa kanyang sponsor ay ang isa niyang katiwala ang kumukuha nito, ngunit ‘di niya alam na bawas na pala ang kwarta bago niya mahawakan.
Nagpaalam na rin umano siya sa kapartidong si Rep. L-Ray Villafuerte.
Si Yllana ay nagsilbi na ring bise alkalde ng Parañaque at konsehal ng ikalimang distrito ng Quezon City.
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/anjo-umatras-sa-halalan-dahil-ninakawan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=anjo-umatras-sa-halalan-dahil-ninakawan)
0 Mga Komento