Masyado pang maaga para ibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila sa kabila ng pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan pa umanong bantayan araw-araw ang mga naitatalang bagong kaso bago tuluyang ibaba sa Alert Level 2 ang rehiyon.
“It’s too early to declare and to say to people that we will shift or de-escalate to Alert Level 2. Araw-araw po binabantayan natin [ang mga datos] pero sa ngayon, hindi pa ho natin masasabi if we can already de-escalate by February dito po sa NCR,” saad ni Vergeire sa public briefing nitong Sabado.
Samantala, base naman sa OCTA Research Group, nasa “very high risk” pa rin ang Metro Manila sa COVID-19.
Dagdag pa riyan, bagama’t pababa na ang mga bagong kaso ng Coronavirus na naitatala, hindi umano ibig sabihin nito ay dapat na makampante.
“We’re confident about the trend pero, again, trend lang ito. Pababa ‘yung cases doesn’t mean na we’re out of the woods or na mababa na ‘yung cases. Magkaibang word ‘yun na ‘pababa’ at ‘mababa na’,” paglilinaw ni OCTA member Guido David.
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-masyado-pang-maaga-pagbaba-sa-alert-level-2-sa-metro-manila/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-masyado-pang-maaga-pagbaba-sa-alert-level-2-sa-metro-manila)
0 Mga Komento