Upang maiwasan ang pagdanak ng dugo at maging holistiko ang pamamaraan sa pagsugpo sa iligal na droga, plano ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na bigyan pa ng diin ang pagbibigay edukasyon, lalo na sa mga kabataan tungkol sa masamang epekto nito sa ating lipunan.
“Alam mo noong panahon ni President Erap, nagpapunta kami rito ng mga Los Angeles police at tinuruan ‘yung mga pulis natin para pumunta sa mga eskwelahan—mga elementary student ito ha—sila ‘yung nag-le-lecture,” lahad ni Lacson sa one-on-one presidential interview ng host na si Boy Abunda.
Nakikita ni Lacson na malaking tulong ang tamang edukasyon at pagbibigay kaalaman sa mga Pilipino hinggil sa maaaring kahinatnan ng mga nalululong sa droga dahil nakita na niya ang resulta nito sa kanyang mahabang karanasan bilang pulis at nang ilunsad ang programang Drug Abuse Resistance Education (DARE).
“So, earlier on, sa murang kaisipan namumulat sila. Meron silang mga visual aid kung saan ito ‘yung kahihinatnan ninyo kapag kayo’y nalulong sa droga. So, nakatanim sa isip ng mga kabataan ‘yon. Sayang, hindi natuloy. Ang tawag namin doon DARE,” paliwanag ni Lacson.
“It worked at that time kasi tumaas pa ‘yung pagtingin ng ating mga kabataan, ng mga estudyante pati mga magulang, sa pulis. Imagine, ‘yung pulis mismo naka-uniporme tapos nag-le-lecture,” dagdag niya.
Ayon pa kay Lacson, sa ganitong pamamaraan din umano kasabay ng paglilinis sa hanay ng mga tiwaling pulis ay unti-unting maibabalik muli ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan at iba pang awtoridad ng ating pamahalaan.
“‘Di ba over time, Boy, na parang nabuo na sa kaisipan ng mga kababayan natin [na] ‘e pulis nga ‘yung involved sa drugs’,” ani pa ni Lacson.
Bahagi ito ng isinusulong ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na holistikong pagresolba sa isyu ng iligal na droga na hindi lang nakatutok sa pagtugis ng mga durugista.
“Ang isang pagkakamali na nakita ko sa pagpapatupad ng anti-illegal drug campaign ng gobyernong ito, na-focus sa law enforcement, Boy. Nakalimutan ‘yung prevention, nakalimutan ‘yung rehabilitation,” sabi pa ni Lacson.
The post Edukasyon vs illegal drugs diinan – Ping first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/edukasyon-vs-illegal-drugs-diinan-ping-3/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=edukasyon-vs-illegal-drugs-diinan-ping-3)
0 Mga Komento