Binigyang pugay ni Senador Win Gatchalian ang pagpupursigi at walang pagod na pagsisikap ng mga electrical linemen at crew members na kadalasang hindi nabibigyan ng pagkilala sa mapanganib na serbisyong sinusuong nila sa pagkukumpuni ng mga nasirang poste upang maibalik ang suplay ng kuryente.

“Sa likod ng bawat electric utility ay isang pangkat ng mga manggagawang tumugon sa hamon ng trabaho na maaaring maglagay sa kanila sa peligro at handang ayusin ang power outages dulot ng mga kalamidad,” sabi ni Gatchalian.

“Karapat-dapat silang bigyan ng pagpupugay sa agarang pagtugon sa serbisyo sa publiko,” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Gatchalian, ang ganitong ipinamalas na pagsisikap ng mga tulad ni Ronald Gallarde, lineman ng Negros Oriental Electric Cooperative (Noreco), ay dapat kilalanin at parangalan dahil ibinuwis niya ang kanyang buhay para sa pagseserbisyo.

Si Gallarde, residente ng Tanjay City, Negros Oriental ay namatay noong Disyembre 25 nang makuryente habang kinukumpuni ang isang poste ng kuryente sa Barangay Tugas na nasira ng bagyong Odette.

“Ang kanilang pagtupad sa pangakong paglilingkod sa kanilang mga kostumer, kahit sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya, ay karapat-dapat papurihan dahil pagpapamalas ito hindi lamang ng kanilang dedikasyon sa kanilang trabaho kundi pati na rin ng kanilang sakripisyo,” sabi ng Senate Energy Committee Chairperson.

Batay sa inventory report ng Task Force Kapatid (TFK), isang grupo ng electric cooperatives (ECs) na itinatag upang tulungan ang iba pang ECs na nasalanta ng kalamidad, 859 na line workers at 150 boom trucks na ang rumesponde sa pangangailangan ng mga kostumer sa Region VI, VII, VIII, X, at CARAGA.

Nasa 56 na katao naman mula sa Manila Electric Co. (Meralco) ang ipinadala sa Cebu simula noong Disyembre 21 kasama ang 11 boom trucks at mechanized equipment para tulungan ang Visayan Electric Co. (VECO) sa pagsasaayos ng mga nasirang distribution lines at maibalik ang kuryente sa lugar, ayon sa Department of Energy (DOE).

The post Electrical linemen ‘unsung heroes’ matapos manalasa ang bagyong Odette first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/electrical-linemen-unsung-heroes-matapos-manalasa-ang-bagyong-odette/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=electrical-linemen-unsung-heroes-matapos-manalasa-ang-bagyong-odette)