Iminungkahi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., ang pagbibigay ng ikaapat na dose ng bakuna matapos lumabas sa pag-aaral na maaaring kulang ang bisa ng booster shot para muling maproteksyunan ang katawan laban sa COVID-19.

Ayon kay Barzaga, mayroon ng mga bansa na nagbibigay ng ika-apat na dose at lumalabas sa pag-aaral na napataas nito ang proteksyon ng katawan laban sa virus.

“The government’s pandemic response task force should consider giving additional two doses. Some countries, notably Israel, are already administering a fourth dose on their population to increase their level of protection,” sabi ni Barzaga.

Kung aaprubahan ng pandemic response task force, sinabi ni Barzaga na dapat unahin ang mga nasa A1 (health worker), A2 (senior citizen), at A3 (persons with comorbidities) category na binakunahan ng Chinese-made na Sinovac o AstraZeneca ng United Kingdom, ang mga brand ng bakuna na unang dumating sa bansa noong nakaraang taon.

“That was in April and May last year, or eight months to nine months ago. By this time, the immunity of the priority sectors might have already waned, if not dissipated,” punto ni Barzaga, pangulo ng National Unity Party (NUP).

Batay sa pag-aaral sa Hong Kong at Dominican Republic, hindi nakalilikha ng sapat na immunity level ang isang indibidwal na nakatanggap ng bakuna may mababang efficacy matapos na bigyan ng booster shot.

Ayon sa mga dalubhasa, kakailanganin ng dalawa pang shot ng isang indibidwal para muling makalikha ng sapat na immunity panlaban sa COVID-19.

Sinabi ni Barzaga na marami pang suplay ng Sinovac sa bansa lalo at ang kalimitang pinipili ng mga nagpapabakuna ay AstraZeneca, Pfizer o Moderna.

Mayroon naman umanong Sinovac ang pinipili dahil sa kokonti ang nagkaroon ng side effect mula rito.

The post Ikaapat na dose ng COVID-19 vaccine iminungkahi ng solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ikaapat-na-dose-ng-covid-19-vaccine-iminungkahi-ng-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ikaapat-na-dose-ng-covid-19-vaccine-iminungkahi-ng-solon)