Tanggap ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na kailangan niyang maghabol sa pagpresenta ng plataporma sa publiko, ngunit tiniyak niyang hindi siya kailanman gagamit ng mga taktikang labag sa kanyang kalooban at hindi sinasalamin ang tunay niyang pagkatao.

Para sa batikang mambabatas, mahalaga na malaman ng taumbayan ang tunay na pagkatao ng isang kandidato at hindi lang ‘yung idinaraan sila sa kung anu-anong pakulo para lang mahakot ang sagrado nilang mga boto.

“Walang bolahan. Kasi mahirap ‘yung… Pagka labag sa kalooban mo, mabigat sa kalooban mo ‘yung ginagawa mo,” saad ni Lacson sa panayam ng radio host at mamamahayag na si Mike Abe sa DZAR nitong Martes.

Isiniwalat ng batikang mambabatas na kahit ano pa ang ipagawa ng kanyang campaign team para lang makasunod sila sa uso ay hindi siya pumapayag na hindi maipresenta kung sino siya at paano niya nais ipakilala ang sarili bilang isang lingkod-bayan na nararapat nilang pagkatiwalaan.

“Medyo matigas ako doon sa (imaging)—huwag niyo akong i-present na hindi naman ako ‘yon. Kasi kung mag-me-makeover tayo, lalabas at lalabas na peke,” ani Lacson.

“Disiplinadong mabuti, tapos babaguhin niyong bigla, lalabas ang totoo diyan e. So, parang namemeke tayo. Diyan kami madalas magtalo,” sabi pa ni Lacson na nakilala ng mga Pilipino dahil sa pagiging mahusay na hepe ng Philippine National Police bago naging senador.

Sabi pa ni Lacson, bilang isang lingkod-bayan maraming paraan para maihatid sa mga Pilipino ang kanyang mensahe ng pagbabago at plataporma ng pamumuno. Kailangan lang na mailahad ito nang mas maayos upang tumagos sa isip at puso ng taumbayan.

“‘Yon na lang ang tweak natin (messaging), kung paano natin gawing epektibo ‘yung pagmemensahe natin. Minsan ‘pag hindi ka komportable sa pinapagawa, lumalabas na hindi totoo,” ayon sa pinuno ng Partido Reporma.

“There are so many ways na ma-i-tweak mo naman (‘yung istilo ng kampanya) sa kung ano ka talaga. Ayusin na lang ‘yung messaging without departing from kung ano ka as a person, as a public official, ‘di ba? Pwede naman sigurong pagsamahin ‘yon e,” sabi pa ni Lacson.

Si Lacson ay kasalukuyang kumakandidato sa pagkapangulo sa ilalim ng Partido Reporma tangan ang mga plataporma kontra katiwalian tungo sa mabuting pamamahala. “Aayusin ang Gobyerno, Uubusin ang Magnanakaw” ang kanyang pangunahing mensahe sa mga botante.

Nauna nang sinabi ng mambabatas na mananatili siya sa kanyang issues-based campaign, kung saan layunin nila ng ka-tandem na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na itaas ang antas ng diskursong pulitikal sa bansa para sa kaunlaran ng kaalaman ng mga mamamayan.

The post Kampanya ni Ping walang halong pamemeke, pambobola first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kampanya-ni-ping-walang-halong-pamemeke-pambobola/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kampanya-ni-ping-walang-halong-pamemeke-pambobola)