Bukod sa mga literal na magnanakaw, target din ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na linisin ang gobyerno mula sa mga opisyal at kawani na nagsinungaling sa kanilang sinumpaang tungkulin sa matapat at maayos na serbisyo kapag siya ang maging Presidente ng bansa.

Sa panayam kay Lacson ng radyo DZME, hindi niya napigilang isiwalat ang obserbasyon na imbes na tumupad sa mga sinumpaang tungkulin ng mga kawani at opisyal ng pamahalaan, marami sa mga ito ang nangongotong o kaya naman ay tumatanggap ng suhol—na kabilang sa mga uri ng pagnanakaw.

“Kakalusin dapat,” maiksi subalit mariing tugon ni Lacson nang matanong kung paano niya lulutasin ang iba’t ibang uri ng pagnanakaw, lalo na ang pangongotong at pagtanggap ng suhol ng mga empleyado at opisyal ng mga ahensya ng pamahalaan.

“So, isang matinding internal cleansing ang dapat gawin para malinis natin ang gobyerno. Hanggang hindi natin malinis ang gobyerno, paano natin tutugunan ang pangangailangan ng ating kababayan?” dugtong pa ni Lacson.

Si Lacson ay tumatakbong Presidente ng bansa sa 2022 national elections gamit ang mga slogan na “Aayusin ang Gobyerno” at “Uubusin ang Magnanakaw.”

Sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP), napatino ni Lacson ang kapulisan. Tinanggal niya ang kultura ng pangongotong sa pamamagitan ng pagpapakita ng sarili niyang disiplina bilang halimbawa ng isang matinong lider.

“Ang burukrasya natin ay napakalawak, nasa 1.2 to 1.5 milyon tayo sa gobyerno. I don’t care if I’m left with 500,000 basta’t mga honest at talagang nagtatrabaho,” diin pa ni Lacson.

“Alam natin napakaraming tanggapan na ‘pag pumasok ka walang inaasikaso. Ang iba parang walang nakita. Sa halip na makatulong, nangungupit pa ng pera, naghihintay ng lagay. Saan ilalagay ang mamamayan natin kung hindi serbisyo publiko ang pino-provide at sa halip ay perwisyo pa?” dismayado pang puna ni Lacson.

Wala aniya na ibang paraan ng paglilinis ng pamahalaan kundi ang maayos na disiplina na magiging daan din upang bumalik ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan.

“Kaya ang aking panawagan, ayusin natin ang gobyerno para mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino. There’s no other way,” dugtong pa ni Lacson.

The post Kotongero at tumatanggap ng lagay na taga-gobyerno yari kay Ping first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kotongero-at-tumatanggap-ng-lagay-na-taga-gobyerno-yari-kay-ping/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kotongero-at-tumatanggap-ng-lagay-na-taga-gobyerno-yari-kay-ping)