Inaresto ng pulisya ang isang hinihinalang lider ng carnapping group matapos itong makuhanan ng baril at granada sa Taguig nitong Enero 21.

Kinilala ang suspek na si Alberto Cruz, 65, isang driver.

Ayon sa pulis, nakatanggap umano sila ng ulat na nagsisisigaw si Cruz habang armado ng baril na nagdulot ng panic sa mga residente sa Pepay Compound, Barangay Wawa.

Hawak ng suspek ang .38-caliber revolver na walang serial number na kargado ng dalawang live ammunition, at isang Mk 2 fragmentation grenade.

Dagdag pa riyan, wala rin umanong suot na face mask si Cruz.

Matapos arestuhin, nalaman sa imbestigasyon na si Cruz ay lider umano ng Berto Carnapping Group na nakalista sa ilalim ng Case Operational Plan (Coplan).

Dahil dito, nahaharap ngayon si Cruz sa kasong paglabag sa illegal possession of a firearm and ammunition sa ilalim ng Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act); illegal possession of an explosive sa ilalim ng Republic Act 9516; at gun ban sa ilalim ng Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code).

The post Lider ng carnapping group arestado nang makuhanan baril, granada first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lider-ng-carnapping-group-arestado-nang-makuhanan-baril-granada/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lider-ng-carnapping-group-arestado-nang-makuhanan-baril-granada)