Nakarating na ang isyu ng viral na si “Mang Boy” at kanyang mga kapitbahay sa programang “Raffy Tulfo in Action”.
Nag-trending sa social media ang dating pulis na si “Mang Boy” matapos maglabas ng tila samurai sa kanyang mga kapitbahay dahil naingayan sa pagpapatugtog sa kalsada ng mga ito sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa mga nagrereklamo, ang tila samurai na hawak ni “Mang Boy” ang ginamit niya upang tagain ang kanilang speaker.
Pinangalanan si “Mang Boy” na si retired SPO3 Juanito Lazaro.
Sabi ni Cherry Mae Pelonia, mismong si “Mang Boy” daw ang nagpalabas ng speaker sa kanila dahil sa sobrang tahimik sa lugar.
Sinunod daw nila si “Mang Boy” dahil taun-taon naman nila itong ginagawa pero nahinto dulot ng pandemya.
Napasarap daw ang inuman nila at umabot ng alas-8 ng umaga noong January 1. Inamin naman daw nila ang pagkakamali na inabot sila ng umaga. Sakto lang naman daw ang lakas ng pagpapatugtog nila.
Binati pa raw nila si “Mang Boy” ng Happy New Year ngunit pumasok ito sa bahay, nang lumabas ay may dala nang tila samurai at pinagtataga ang kanilang speaker.
Sa kanyang panig, sinabi ni “Mang Boy” na bandang ala-1:30 ng madaling-araw tapos na ang putukan at January 1, 2022 na ay sinenyasan niya ang mga nagrereklamo na pakihinaan ang pagpapatugtog ng mga ito ngunit nang mag-umaga raw ay ang ingay na naman ng mga ito.
Sinenyasan niya raw uli ang mga ito na pakihinaan ang pagpapatugtog dahil ilan ding kapitbahay nila ang nagsusumbong sa kanya.
Ngunit nagsalita raw si Cherry Mae ng, “Wala ‘yan ‘retireded’ na ‘yan” at nagtawanan pa raw ang mga ito.
May nadampot daw siyang flat iron o bakal at dahil naka-jumper daw ang speaker ng mga nagrereklamo kaya pinalo niya ito.
Itinanggi rin niyang espada ang hawak niya sa viral video at may hawakan lang ito para hindi umano siya makuryente.
The post ‘Mang Boy’ ipina-Tulfo na first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mang-boy-ipina-tulfo-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mang-boy-ipina-tulfo-na)
0 Mga Komento