Naniniwala si Senador Win Gatchalian na ang pagsusulong nito o ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11596 ay makakatulong upang masugpo ang mga child marriage sa bansa.

Noong nakaraang taon, niratipikahan ng parehong kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee na itinataas ang statutory rape age sa 16 mula sa dating 12.

Para kay Gatchalian, isa sa mga may akda ng panukalang batas, ang pagbabawal sa mga child marriage at ang mas mataas na edad sa pagtukoy ng statutory rape ay mahalaga sa pagsugpo ng mga itinuturing na gender-based violence at paglabag sa karapatang pantao.

“Kung maisasabatas sa lalong madaling panahon ang pagtaas ng statutory rape age, mas mapapaigting natin ang mga hakbang upang tuluyang masugpo ang mga child marriages sa bansa,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Ang mga kabataan ay dapat patuloy na nag-aaral at hindi nagpapakasal sa murang edad. Napapanahon nang masugpo natin ang ganitong uri ng pang-aabuso at karahasan,” dagdag pa nito.

Ang child marriage ay isang kasal kung saan ang isa o parehong indibidwal ay wala pang 18 taong gulang.

Sa ilalim ng bagong batas, kabilang sa mga ipinagbabawal ang pagsasaayos o pagtutulak sa isang child marriage, kabilang ang pagsasagawa ng mga ritwal upang bigyan ito ng basbas.

Ipinagbabawal din sa batas ang pagsasama sa pagitan ng isang adult o nakatatanda at ng isang menor de edad na hindi pa ikinakasal.

Ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), ang Pilipinas ang ika-12 sa may pinakamaraming bilang ng child marriages sa buong mundo.

Dahil sa pagsasara ng mga paaralan, pagkaantala ng mga serbisyo, at pinsala sa ekonomiya na dulot ng pandemya, nagbabala ang UNICEF na maaaring umabot ang bilang ng child marriages sa buong mundo sa 10 milyon sa pagwawakas ng dekada. (Dindo Matining)

‘Papa P’ Piolo Pascual hinimas ang Abante reporter, kinilig!

The post Mas mataas edad sa pagtukoy statutory rape makakatulong laban sa child marriage first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mas-mataas-edad-sa-pagtukoy-statutory-rape-makakatulong-laban-sa-child-marriage/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mas-mataas-edad-sa-pagtukoy-statutory-rape-makakatulong-laban-sa-child-marriage)