Pinuri ni Senador Risa Hontiveros nitong Huwebes ang pagsasabatas ng Republic Act Number 11642 o ang Domestic Administrative Adoption Act, batas na kanyang inakda sa Senado.

“This is a win for our children, but most especially, for adoptive parents. Alam natin ang hirap na dinanas ng mga adoptive parents sa ilalim ng lumang proseso ng pag-adopt,” sabi ni Hontiveros.

“Maraming mabubuting loob na Pilipino ang gusto magkupkop ng bata, ngunit nahaharangan dahil sa kupad ng proseso. Sa batas na ito, mas mapapabilis at mapapasimple na ang pagbuo ng mga pamilya,” dagdag pa niya.

Sa bagong batas na ito, tinanggal na ang proseso ng adoption sa korte at inilagay sa National Authority for Child Care na isang administrative body. Ito ay nagpapagaan at nagpapabilis sa proseso ng pag-aampon.

Sabi ni Hontiveros, kung dati ay tumatagal ang adoption process ng isa hanggang tatlong taon o higit pa, sa bagong batas na ito, ang adoptive parents ay maghihintay na lang ng anim hanggang siyam na buwan.

Sa pagpasa ng RA No. 11642, binigyang diin nito na hindi na kailangan ng adoptive parents na iwasan ang batas at gumawa ng mga impormal na paraan ng pag-aampon, na kung minsan ay nangyayari sa nakakapagod at matagal na proseso ng adoption.

“Sana ngayong pinadali at pinabilis na ang proseso ng adoption, wala nang mga indibidwal ang lumabag ng batas para mag-ampon. Nalalagay lang sa panganib ang mga pamilya nila at napapahamak lang ang kapakanan ng bata,” ani Hontiveros.

“Ang pagpapaikli ng proseso ay bawas gastos din para sa adoptive parents,” dugtong pa nito. (Dindo Matining)

Viva Hot Babe Sheree Bautista @ Tambayan ng Tsika!

The post Pag-ampon ng bata pinabilis, pinasimple proseso — Hontiveros first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-ampon-ng-bata-pinabilis-pinasimple-proseso-hontiveros/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pag-ampon-ng-bata-pinabilis-pinasimple-proseso-hontiveros)