Sa pagdami ng panibagong kaso ng COVID-19 na humahadlang para makapagsagawa ng tradisyunal o face-to-face na kampanya, sinabi ni Partido Reporma chairman at standard bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na nakahanda siya sa isang ‘dog fight’ o matinding labanan para sa Halalan 2022 sa May 9.

Gamit ang mga terminolohiya at analohiyang pang-militar, ipinaliwanag ng dating hepe ng pambansang pulisya at tinaguriang ‘Super Cop’ ang kasalukuyang sitwasyon ng kampanya sa bansa upang makuha ang loob ng mga botante.

Aniya, mas mararamdaman ngayon ang labanan sa pagitan ng mga kandidato sa ere dahil sa umiiral na polisiya ng pambansang pamahalaan at maging ng Commission on Elections na naglilimita sa pagsasagawa ng mga pampublikong pagtitipon dahil sa pandemya.

“‘Pag sinabing air fight, dog fight ay [sa] ere na muna maglabanan, pagalingan na lang sa… Tulad ‘nung sa social media, ‘yung different platforms, ganoon ang galawan ngayon,” sabi ni Lacson sa panayam ng radio host na si Mike Abe sa DZAR.

“Kaya ang labanan talaga ngayon parang dog fight, parang labanan sa air assets—ibig sabihin, social media, mainstream media. Ito talaga ‘yung battle ngayon. So, walang choice kasi talagang walang malakihang galawan, assembly, gathering ng mga tao kasi canceled out ‘yan,” aniya.

Subalit ayon sa presidential candidate, mas umaasa pa rin siya sa kakayahan at kapangyarihan ng mga volunteer na laging sumusuporta sa kanya sa hirap man o ginahawa upang ipaabot sa publiko ang inihahain niyang mga plataporma, kaysa sa mga internet ‘troll’ na oportunista at kumakampi lang sa kung sino ang may pera sa panahon ng kampanya.

“Dahil parang virtually merong umiiral na self-imposed na unilateral cessation of activities, sabihin na natin, sa ground operation. So, wala na munang infantry large-scale operations; puro guerrilla na lang ngayon, ‘yung mga supporter namin sa ground,” ani Lacson na nagpaunlak ng panayam habang naka-isolate at lubusang nagpapagaling sa COVID-19.

Ayon kay Lacson, kung ipipilit ng mga kandidato na magsagawa ng mga campaign rally, maaaring humantong ito sa mas mataas na hawaan ng virus—bagay na iniiwasan ng Partido Reporma, maging sa mga “Online Kumustahan” na isinagawa nito sa iba’t ibang probinsya sa mga nakalipas na buwan, kung saan mahigpit na ipinatupad ang physical distancing at iba pang health protocol.

“So, talagang nag-shift ‘yung labanan muna—‘labanan’—from ground operations to air operations. Parang piloto sa piloto, ika nga,” ani Lacson, na dala sa kanyang pagtakbo bilang pangulo ang layuning “Aayusin ang Gobyerno, Uubusin ang Magnanakaw.

The post Ping handa sa latag ng plataporma sa broadcast at digital media first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-handa-sa-latag-ng-plataporma-sa-broadcast-at-digital-media/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-handa-sa-latag-ng-plataporma-sa-broadcast-at-digital-media)