Bumuhos ang mensahe para sa agarang paggaling ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson, hindi lang mula sa kanyang mga tagasuporta at kasamahan sa Senado ngunit maging sa mga kapwa niya kandidato at iba pang opisyal ng gobyerno.
Sa panayam ng DZRH kay Lacson nitong Linggo ng umaga, sinabi ng mambabatas at tumatakbo sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022 na simula nang ianunsyo niya ang pagka-expose sa COVID-19 at nagpositibo sa RT-PCR test ay sunod-sunod na ang mensahe at pagpapaabot ng tulong na kanyang natanggap.
Kabilang sa mga ito ay mula sa kapwa niya kandidato sa pagkapangulo na si Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kasamahang mambabatas na si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go at gayundin si Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Kuwento ni Lacson, nagulat siya nang personal na makatanggap ng tawag mula kay Moreno na kinamusta ang kanyang kalagayan at nag-alok pa na magbibigay ng gamot laban sa COVID-19.
“Sabi sa akin..‘si Isko Moreno po ito, sana gumaling kayo at kung kailangan niyo ng gamot meron ako ritong Molnupiravir. Ang sagot ko naman sa kanya, ‘meron na rin ako kasi marami nang nagpadala, pakibigay na lang doon sa mas malala ‘yung mga symptoms so maraming-maraming salamat,’” lahad ni Lacson.
Bukod sa kasamahang senador na si Senador Go, nagpadala rin umano ng mensahe sa kanya ang iba pang mga kakilala. Ani Lacson, “‘Pag nakakatanggap ka ng ganoon na galing sa mga kakilala, ‘yung iba mga hindi ko nga kilala e unknown ‘yung number pero nagwi-wish na sana gumaling. So alam mo doon mo mare-realize…maski paano may tama e…ang ibig sabihin tama sa puso.”
“Alam mo nakakabagbag ng damdamin, especially now wala kang kausap, naka-isolate ka sa kwarto pagkatapos makakatanaggap ka ng ganoon personal, minsan direkta sa akin,” ani Lacson sa radio host na si Milky Rigonan.
Lahad pa niya, habang naka-isolate sa tahanan ay nabibilang niya ang mga dumadaang ambulansya kaya naman magpaalala muli si Lacson sa lahat ng mga Pilipino na mag-ingat at seryosohin ang mga panuntunan na nilabas ng pamahalaan para makaiwas sa COVID-19.
Dasal ni Lacson sa tuwing maririnig niya ang pagdaan ng mga ambulansya, “Ang una kong panalangin sana hindi seryoso; at pangalawa, sana merong lugar sa ospital na tatanggap sa kanya, merong ward, merong kwarto at sana huwag mapahamak ‘yung laman ng ambulansya.”
“So mag-ingat tayo. Sa atin nagmumula, ang sabi ko nga, ‘yung first line of defense [ay] tayo, tao, hindi ang gobyerno,” sabi pa ni Lacson.
Bianca Umali binuyangyang ang katawan sa IG
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-naantig-sa-mensahe-ni-isko-bong-go-habang-nagpapagaling-sa-covid/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-naantig-sa-mensahe-ni-isko-bong-go-habang-nagpapagaling-sa-covid)
0 Mga Komento