Sa pagkilos ng National Privacy Commission (NPC) at mga cyber security expert mula sa kanyang grupo, nakakakita si Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson ng kongkretong resulta sa pagsisiyasat sa napaulat na ‘hacking’ at data breach o pagnanakaw ng mga impormasyon mula sa Commission on Elections (Comelec).

“Mabuti rin ‘yung National Privacy Commission nag-iimbestiga nang sa ganoon makita lahat ‘yung mga detalye… Mainam na talagang merong parang sabihin nating ibang body na nag-iimbestiga,” ayon kay Lacson sa panayam ng DZME nitong Miyerkules.

“‘Yung Senado kasi, ‘yung Kongreso for that matter, merong tinatawag na Joint Oversight Committee doon sa automated election, naka-constitute na ito, pwede rin silang magsagawa ng imbestigasyon para madinig lahat ng mga eksperto pati ‘yung mismong pinagmulan ng report,” sabi pa ng batikang mambabatas.

Dagdag niya, may ilang paunang impormasyon nang nakalap ang kanyang sariling cybersecurity team, na inatasan na niyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Comelec. Kabilang dito ang isang Facebook post noong Nobyembre 21, 2021 pero wala pa umanong pinal na datos ang nakakalap sa ngayon.

“Mahalaga talagang matingnan lahat ito, get to the bottom of this issue para talaga maliwanagan,” ani Lacson.

Itinakda ng NPC sa Enero 25 ang pagpupulong kasama ng Comelec at pahayagan na unang naglabas ng ulat ng diumano’y hacking sa nasabing komisyon na may mandatong pangalagaan ang kredibilidad at integridad ng halalan sa bansa.

Sinabi ng presidential candidate na hindi dapat balewalain ang isyung ito dahil malaki aniya ang magiging implikasyon nito sa darating na Halalan 2022 kung kaya’t kailangang masiyasat nang mabuti, lalo na ng mga eksperto, ang sinasabing pruweba sa nasabing ulat.

“‘Yon ang gusto nating tingnan, kung ano ‘yung proof na ‘yon—hindi tayo kundi mga eksperto kasi sila ‘yung makakapag-analisa kung ‘yung sinasabing proof ‘nung sumulat, ‘yung author ‘nung hacking report, ay talagang nagme-merit para paniwalaang meron talagang hacking,” pahayag ni Lacson.

The post Ping: NPC, mga cyber security expert mainam na bantay sa isyu ng ‘Comelec hacking’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-npc-mga-cyber-security-expert-mainam-na-bantay-sa-isyu-ng-comelec-hacking-1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-npc-mga-cyber-security-expert-mainam-na-bantay-sa-isyu-ng-comelec-hacking-1)