Hirap na nga sa kanilang kabuhayan, lalo pang pinahihirapan ang ating mga magsasaka ng mga dapat sana’y nangangalaga sa kanilang karapatan at pinagkukunan ng kita, na nakapag-aambag din sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa at pangangalaga sa kalusugan ng ating mga kababayan.

Ito ang hinaing ng grupo ng mga magsasaka sa Benguet na humingi ng tulong kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

“Thank you po, sir, sa pag-intervene sa [Senate hearing],” maikli ngunit emosyonal na mensahe ni Agot Balanoy, manager ng Hi-Land Farmers Multipurpose Cooperative, nang personal niyang makaharap si Lacson sa Baguio City na isa sa mga huling binista ng presidential candidate bago matapos ang nakaraang taon.

Ramdam umano ng mga magsasaka ang pag-asang makakamit nila ang hustisya dahil prayoridad ni Lacson ang pangangalaga sa sektor ng agrikultura at pagtugon sa kanilang hinaing, lalo ngayong talamak ang iligal na pagpuslit ng mga produktong agrikultural na pumapatay sa lokal na industriya.

Sa kanyang Facebook page, nanawagan si Lacson ng #WalangNakawanNgKabuhayan para maiangat ang dignidad ng mga magsasaka gayundin ang mga negosyanteng Pilipino na sinusubukan pa ring makaahon sa epekto ng pandemya.

“Itaas natin ang dignidad ng ating local farmers sa pamamagitan ng pagtatangkilik sa kanilang mga produkto. Magtulungan tayo para hindi sila manakawan ng kabuhayan,” sabi ni Lacson sa kanyang post.

Matatandaang sa imbestigasyon ng Senado, sinita at binusisi nina Lacson at Sotto ang paglusot ng smuggled agricultural product at pagbaha ng mga imported na gulay at prutas tulad ng strawberry, carrot at iba pa, sa kabila ng tambak na regulasyon at iba pang prosesong kailangang pagdaanan sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Customs at Department of Agriculture.

Iginiit ni Lacson na kailangang unahin ang kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka bago ang interes ng mga banyaga na nagpapasok ng kanilang produkto sa ating bansa. “Nararapat lamang po na ang mga produktong lokal ang bumabaha sa ating mga pamilihan at tinatangkilik ng ating mga mamimili,” aniya.

The post Ping pag-asa ng mga magsasaka na ninakawan ng kabuhayan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-pag-asa-ng-mga-magsasaka-na-ninakawan-ng-kabuhayan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-pag-asa-ng-mga-magsasaka-na-ninakawan-ng-kabuhayan)