Tulad ng maraming basketball fans, inspirasyon ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang kanyang paboritong player sa mahusay niyang pagganap sa tungkulin bilang opisyal ng pamahalaan at magiging performance niya rin bilang pangulo kung siya ang mananalo sa Halalan 2022.

Inamin ni Lacson sa “Manila Bulletin Hot Seat” interview na iniidolo niyang manlalaro sa National Basketball Association (NBA) ang itinuturing na greatest of all time players na sina Michael Jordan at LeBron James.

“Talagang maski noong araw talagang number one idol ko sa NBA si Jordan. Maski ‘nung lumipat siya from Chicago to Wizards, doon ako sa Wizards ngayon nag-roo-root. Ganoon kasi ako. Dalawa lang ‘yung players na talagang [idol ko] sa NBA: Jordan and Lebron James,” sabi ni Lacson.

“Kaya marami na rin akong Lebron James na shirt at saka meron din akong sapatos ni Lebron James. But, you know, I think Jordan—Michael Jordan unequal pa rin up to this point. Wala na nga siya sa NBA kumikita [pa],” ayon sa presidential candidate ng Partido Reporma.

Kapansin-pansin ang pagiging tagahanga ng batikang mambabatas kina James at Jordan dahil sa pagsuot nito ng mga damit at sapatos na may trademark ng dalawa. Gayunman, sinabi ni Lacson na hindi siya ang mismong bumibili ng mga ito, bagkus ay inireregalo ito sa kanya ng kanyang mga anak.

“Ako, pagbili ng anak ko nito para ibigay sa akin, meron siyang (Jordan) royalty rito e, lagi siyang may royalty diyan,” banggit ni Lacson nang tanungin tungkol sa suot niyang ‘Air Jordan’ shoes.

Samantala, sa mga Pilipinong basketbolista naman, sinabi ni Lacson na ang pinaka hinangaan niya ay si Robert Jaworski ng Ginebra—na naging senador din—dahil sa kanyang “Never Say Die” mentality. Ito rin umano ang isa sa mga ipinaiiral niyang mentalidad sa kanyang sarili.

“Ang sinusundan ko naman noon si Jawo—Jaworski kasi gusto ko ‘yung… Alam mo ‘yung, kung hindi man smooth maglaro, ‘yung medyo—‘yung determined ba, ‘yung determination. Ganoon ang gusto ko talaga. ‘Yung nakita ko ‘yung passion, determination, parang hindi napapagod,” kuwento ni Ping.

The post Ping presidency magiging ala-Jordan na idol niya sa NBA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-presidency-magiging-ala-jordan-na-idol-niya-sa-nba/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-presidency-magiging-ala-jordan-na-idol-niya-sa-nba)