Malaking ginhawa at maayos na buhay ang makakamit ng lahat ng mga Pilipino kung mawawala ang pang-aabuso, maling paggamit, at hindi nagagamit sa pondo ng bayan dahil sa katiwalian at kawalan ng kakayahan sa pamamahala, ayon kay Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson.

“Tatlo ‘yung tama doon sa national budget every time na lang na mag-i-implement… Ito talaga dapat i-correct. So, kung maiayos talaga ang ating kaban ng bayan… Ang laki ng magagawa sana e. Pati ‘yung health needs, pati ‘yung education, lahat matutugunan,” sabi ni Lacson sa panayam ng DWIZ nitong Sabado.

Aniya, ang hindi nagagamit na pondo na umaabot sa higit P300-bilyon taun-taon simula noong 2011 hanggang 2020, maling paggamit at pinakamasama pa ay pag-abuso sa kaban ng bayan—katulad ng nangyari sa Pharmally scandal—ay maituturing na ‘pagnanakaw’ na pumipigil sa magandang serbisyo na dapat ay napupunta sa taumbayan.

“Ang problema nga, nakagawian na natin na ‘yung national budget (ay) parang hindi natin siniseryoso ‘yung pag-i-implementa. Kanya-kanya e,” saad pa ni Lacson na kilalang tagapagbantay ng mga Pilipino sa pambansang badyet simula nang maging senador noong 2001.

Ginagarantiya ni Lacson na kung siya ang pipiliin ng mga Pilipino upang maging susunod na lider ng bansa, masisiguro ng taumbayan na maayos na maipatutupad ang mga proyekto na direktang makakatulong sa pag-unlad ng buhay ng bawat isa.

“‘Yan ang talagang sisiguraduhin namin ni Senate President. Pinag-aralan na namin nang matagal ‘yan. Ako, 18-taon ko naman pinag-aralan ‘yung budget. So, alam na alam namin kung paano ang gagawin diyan. Kaya nga alam namin ‘yung mga datos e,” ani Lacson na tinutukoy ang kanyang ka-tandem na si Senate President Vicente “Tito” Sotto.

Sa ilalim ng kanilang pamumuno, siniguro ni Lacson na uubusin nila ang mga magnanakaw na ito, alinsunod sa kanilang mithiin at mensahe ng kampanya na ‘aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng mga Pilipino.’

The post Ping: Problema sa kalusugan, edukasyon solb kung walang magnanakaw sa pamahalaan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-problema-sa-kalusugan-edukasyon-solb-kung-walang-magnanakaw-sa-pamahalaan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-problema-sa-kalusugan-edukasyon-solb-kung-walang-magnanakaw-sa-pamahalaan)