Pagtataguyod ng kaligtasan ng mga guro at mag-aaral ang panawagan ni Senador Win Gatchalian kasunod ng muling pagpataw ng Alert Level 3 sa Metro Manila dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Ayon sa senador, bagamat hindi pinahihintulutan sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ang face-to-face classes sa basic education, nananatili ang panganib sa mga guro at mag-aaral lalo na’t patuloy na kumakalat ang nakakahawang Omicron variant.

Mungkahi pa ni Gatchalian, dapat magsagawa ng regular na COVID-19 testing sa mga guro, lalo na’t patuloy silang nagtatrabaho sa kabila ng pagsuspinde sa face-to-face classes.

Para maprotektahan naman ang mga mag-aaral, dapat aniyang paigtingin ng pamahalaan ang pagbabakuna ng mga kabataang may edad na labing dalawa (12) hanggang labing-pito (17).

Sa isang pagdinig sa Senado na isinagawa noong Disyembre 17, iniulat ng Department of Health (DOH) na may 7.1 milyon sa 12.7 milyong mga kabataang may edad na labing dalawa (12) hanggang labing-pito (17) ang nakatanggap na ng isang dose ng COVID-19 vaccine. Samantala, may 2.7 milyon naman ang itinuturing nang fully vaccinated.

Ngayong buwan ay inaasahan ang pagbabakuna ng mga kabataang may edad na lima (5) hanggang labing-isa (11).

Kamakailan ay hinimok ni Gatchalian ang mga local government units (LGUs) na simulan ang paghahanda sa pagbabakuna ng mga batang edad 12 pababa.

“Sa kabila ng muling pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 at pagkalat ng nakakahawang Omicron variant, patuloy nating dapat ipatupad ang lahat ng hakbang upang protektahan ang ating mga mag-aaral at mga guro upang hindi sila magkasakit,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (Dindo Matining)

‘Best of Sportalakan’ Sabong edition

The post Sa pagtaas ng COVID cases: Guro, mag-aaral siguruhing ligtas – Win first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sa-pagtaas-ng-covid-cases-guro-mag-aaral-siguruhing-ligtas-win/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sa-pagtaas-ng-covid-cases-guro-mag-aaral-siguruhing-ligtas-win)