Isiniwalat ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na may ikalawa pang biktima sa viral na istorya ng kaso ni Lolo Narding Floro na inaresto dahil sa pagnanakaw ng tatlong sako ng mangga sa Asingan, Pangasinan.

Sa sariling pag-iimbestiga ni Lacson sa bayan ng Asingan nitong Huwebes, nalaman niya na hindi lang ang 80-anyos na si Lolo Floro ang biktima sa kasong ito. Aniya kung ang huli ay biktima ng kahirapan, sa kabilang banda naman biktima rin ng sitwasyon si Robert Hong na caretaker ng lote kung saan sinasabing kinuha ang mangga.

Si Hong ang naghain ng reklamo laban kay Floro dahil sa umano’y pagnanakaw niya ng tatlong sako ng mangga noong Abril 2021. Matapos mag-viral ang pag-aresto at pagkulong kay Floro, kinailangan niyang magtago at hindi makapaghanapbuhay dahil sa pambu-bully na binato sa kanya ng mga blogger at netizen.

“Before offering any assistance to resolve Lolo Narding’s problem, I would like to know the facts first,” ani Lacson.

“Both Lolo Narding and Robert are victims. Lolo Narding can be considered a victim of poverty, while Robert, the new caretaker and complainant representing the owner of the lot, is a truck driver who now cannot go to work because of the bad publicity generated by the story of Lolo Narding’s plight. Thus he is also a victim – in this case, of bullying stemming from unintended inaccurate information,” sabi ni Lacson.

Batay sa inisyal niyang pag-iimbestiga, ibinenta umano ni Floro sa talipapa ang tatlong sako ng mangga na kanyang kinuha sa lote na binabantayan ni Hong.

“Robert’s family says he is willing to settle but requests that the apparent disinformation be rectified. Meanwhile, Lolo Narding couldn’t settle with the property owner through the caretaker because he already spent the proceeds in the amount of P7,000,” sabi ni Lacson.

Ayon pa sa mambabatas, maging ang Public Information Office ng Asingan ay humingi ng paumanhin kay Hong dahil sa pamba-bash na natanggap nito online.

Paalala niya sa publiko, dapat matuto ang lahat sa pangyayaring ito at huwag agad manghusga at magtapon ng masasakit na salita sa ibang tao, lalo na sa social media. “On social media, things may not always be what they seem at first glance,” aniya.

Sinabi pa ng presidential candidate na ang nangyari kay Floro ay representasyon ng hustisya sa Pilipinas, kung saan ang mga nagnanakaw dahil sa pangangailangan ay agad naparurusahan ngunit ang mga suwapang na magnanakaw na mayaman, may kapangyarihan, o nasa pamahalaan ay nakalalaya at nabibigyan pa ng espesyal na trato tulad ng police escort.

“May nagnanakaw out of necessity. Ako naniniwala na kung ganoon ang reason, they deserve a second chance. Ang talagang nakakagalit ng loob, ‘yung pagnanakaw ng napakalalaking halaga sa pera ng gobyerno at saka ‘yung karapatan ng ating mga kababayan tulad ng mangingisda at saka ‘yung ating magsasaka,” sabi ni Lacson sa isang panayam.

Para maitama ito, kinakailangan umanong ayusin ang gobyerno na itinuturo niya ring dahilan ng ating mga problema upang mabago ang kaisipan ng taumbayan. “Alisin ang katiwalian sa gobyerno nang sa ganoon ‘yung mga mamamayan maging mapagtiwala o kaya irespeto ‘yung ating government,” aniya.

The post Tunay na kuwento sa likod ng lolo na ‘nagnakaw’ ng mangga nahalukay ni Ping first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/tunay-na-kuwento-sa-likod-ng-lolo-na-nagnakaw-ng-mangga-nahalukay-ni-ping/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=tunay-na-kuwento-sa-likod-ng-lolo-na-nagnakaw-ng-mangga-nahalukay-ni-ping)