Pumalo na sa 26 ang bilang ng mga nawawalang sabungero, batay sa huling tala ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Lunes.

Hindi lamang umano mga lalaki ang naiulat na nawawala. Ayon sa ulat ng 24 Oras, kasama sa mga naglaho ang isang Jonnalyn Lubgin, na isang buntis.

Sumama umano si Lubgin sa isang sabong sa Laguna noong Enero 7 at mula noo’y hindi na nakita.

Ayon naman kay Laguna police chief Police Lt. Col. Paterno Domondon, hindi pa sila makapagsampa ng reklamo sa sinuman dahil sa kakulangan ng ebidensya.

“Matapos pong makunan ng salaysay, napag-usapan namin ng mga imbestigador, eh medyo kulang pa po ‘yung mga ebidensiyang hawak namin para mag-file ng kahit anong kaso po. In-explain namin, naintindihan naman po nila,” ani Domondon.

Samantala, hiniling naman ng CIDG sa mga may-ari ng sabungan na makiisa sa imbestigasyon.

Maging ang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero ay dumulog na kay Pangulong Rodrigo Duterte upang matulungan sila.

The post Bilang ng naglahong sabungero umakyat sa 26 – CIDG first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bilang-ng-naglahong-sabungero-umakyat-sa-26-cidg/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bilang-ng-naglahong-sabungero-umakyat-sa-26-cidg)