Ipinagmalaki ni Pastor Apollo Quiboloy na ang mga akusasyon ng FBI sa kanya ay parte ng pag-uusig sa pamumuhay niya bilang ‘Appointed Son of God’ at dahil na rin sa pagbangga niya sa mga gawain ni Satanas.

Sa isang live video sa kanyang Facebook page, pinaliwanag ni Quiboloy sa mga miyembro ng kanyang sekta na Kingdom of Jesus Christ na hindi madali ang kanyang calling bilang Appointed Son.

BASAHIN: Pastor Quiboloy, 2 pang opisyal ng KOJC wanted sa FBI

“Mahirap ang ‘Appointed Son’ kasi ginagawa mo na ang kalooban ng lahat ng Ama, pero gagawin ka pang masama, pagwiwikaan ng masama, ididikit sa’yo ang lahat ng putik,” ani Quiboloy.

Ginawa pang halimbawa ng pastor ang Matthew chapter 5.

“Alam ninyo, mahirap ang maging ‘Appointed Son,’ lahat ng kasalanan ibabato sa iyo. Sa ulat ng sinabi ng Matthew chapter 5, diba. ‘Blessed are you when men shall persecute you and shall say all manner of evil against you falsely for my sake’,” aniya.

Kaya ani Quiboloy, ang mga kasong binabato sa kanya ay parte lamang ng pagsunod niya sa kalooban ng Diyos.

“Walang matapang na magtatangkang ganyan, kasi ang tao iniingatan niya pangalan niya, reputasyon niya. Ako, ‘pag sinabi ng Amang banggain mo si Satanas, babanggain ko talaga siya, gaano man siya kaputik. Putikan man siya, labo labo kami diyan sa putik,” wika pa ng pastor.

Si Quiboloy, kasama ng ilang opisyal ng kanyang sekta, ay wanted sa US dahil sa mga kasong sex at labor trafficking.

Matatandaang una nang nagbanta si Quiboloy na may mas matindi pang pagsubok ang mundo bukod sa Omicron variant kung patuloy ang pag-uusig laban sa kanya.

The post Quiboloy sa pagiging ‘Appointed Son’: Lahat ng kasalanan ibabato sa iyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/quiboloy-sa-pagiging-appointed-son-lahat-ng-kasalanan-ibabato-sa-iyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=quiboloy-sa-pagiging-appointed-son-lahat-ng-kasalanan-ibabato-sa-iyo)