Inihain ni Quezon City Rep. Arjo Atayde ang isang panukala na magpapataw ng 20 hanggang 40 taong pagkakakulong sa magpupuslit ng iligal na droga sa loob ng kulungan.
Sa House Bill 4061, sinabi ni Atayde na kailangang agad na mahinto ang pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob ng kulungan at makatutulong umano dito ang pagpapataw ng mabigat na parusa.
“A stiff penalty is required in this circumstance in order to instill fear and be an effective deterrence to those contemplating doing this crime in the future. More importantly, the said penalty applies as well to government officials or employees who cooperate or co-opt with the inmate or other private persons involved therein,” sabi ni Atayde sa explanatory note ng kanyang panukala.
Sa ilalim ng panukala, ang magpupuslit o magtatangkang magpuslit ng ipinagbabawal na gamot, alak o inuming nakakalasing, baril, bala o anumang armas, cellphone at iba pang gadget na magagamit upang makipa-ugnayan sa labas ng kulungan at pera ay papatawan ng 20 hanggang 40 taong kulong at P10 milyong multa.
Ganito rin ang ipapataw sa preso na tumanggap o tatanggap ng ipinuslit na kontrabando.
Ang mga tutulong sa pagsasagawa ng pagpupuslit ay parurursahan ng 12-20 taong pagkakakulong at P5 milyong multa.
Kung ang ipinuslit na kontrabando ay wala sa mga nabanggit ang parusa ay anim hanggang 12 taong kulong at P1 milyong multa.
Kung ang lumabag ay opisyal o empleyado ng gobyerno, may dagdag na parusang absolute perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan at pagkumpiska sa kanyang matatanggap na retirement benefit. (Billy Begas)
The post 40 taong kulong sa magpupuslit ng droga sa kulungan, sinulong ni Arjo Atayde first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento