Ikinuwento ni Senador ‘Bato’ Dela Rosa sa kaniyang mga kasama sa Senado na minsan na siyang napagkamalang construction worker at hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration dahil sa pagbitbit ng P11,000.

Sa pagtalakay sa plenaryo ng Senado ng fake electronic arrival card (Ecard), inalala ni Dela Rosa na colonel pa umano siya noon at papunta sila sa Taiwan kasama si dating pangulong Rodrigo Duterte na noo’y mayor pa ng Davao City.

Ang Ecard ay pinapatupad pa ng mga kawani ng customs at immigration sa airport.

“Alam mo yung P10,000, naging biktima ako niyan. kasi nung bumiyahe ako sa Taiwan, may dala akong P11,000 at hinold ako ng immigration dahil akala nila OFW (overseas Filipino worker) ako. Baka akala nila construction worker ako ba na pupunta ako doon, hinold ako,” kuwento ni Dela Rosa.

Pinakawalan lang umano siya matapos sabihin ni Duterte sa mga immigration officer na kasama niya si Dela Rosa.

“Hinold talaga ako, P10,000. Ang alam ko, 10,000 dollars bakit ginawang pesos. That has to be checked,” sabi pa ng senador.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sa ibang bansa aniya, ang mga pasahero ay obligadong i-report kung sila ay may bitbit na sobra sa $10,000.

Ang alam ko nga 10,000 dollars yan, bakit P10,000 hino-hold nyo ako? Sabi nila, P10,000 daw,” giit ni Dela Rosa.

Si Senadora Pia Cayetano ang nagbukas na diskusyon nang sabihin niya sa kaniyang mga kasama ang tungkol sa fake website kung saan hinihingan ang mga pasahero ng $70 para sa Ecard. (Dindo Matining)

The post Bato napagkamalang construction worker, hinarang ng BI first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT