Posibleng sa susunod na taon na magkaroon ng bivalent vaccines sa bansa laban sa mga bagong variants ng COVID-19.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Nina Gloriani, member ng Vaccine Expert Panel na wala pang vaccine manufacturer na nag-apply sa Food and Drug Administration (FDA) para sa emergency use authority (EUA) upang magamit ang mga bagong bakuna laban sa COVID.

“Nakasalalay sa application nila for EUA ang pag-procure nitong bivalent vaccines sa atin, and as of now, ang alam ko wala pang nag-aaply sa FDA. It takes at least a month or so para ma-evaluate ang application and then of course yung procurement, shipping process and so on. Medyo matatagalan pa,” saad ni Gloriani.

Hindi naman masabi ni Gloriani kung ano ang plano ng Department of Health (DOH) patungkol sa bivalent vaccines dahil ang naririnig lamang nito ay ang pribadong sektor na interesado sa bivalent vaccines.

Kung sakaling magkaroon na ng bivalent vaccines sa bansa, nais ni Gloriani na unang bigyan ang mga nasa sektor ng pangkalusugan, senior citizens at mga mayroong malubhang sakit.

“Meron tayong vulnerable groups no, unahin natin yung health care workers, mga elderly at yung may mga comorbidities. Sasapat siguro yung 10 million doses pero we do not want also na ma-expire ang mga ito kaya dapat medyo targeted kung sino talaga ang magpapabakuna sa mga vulnerable groups na ito,” dagdag ni Gloriani. (Aileen Taliping)

The post Bivalent vaccines posibleng sa 2023 pa makarating sa bansa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT