Sisiyasatin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga reklamo kaugnay ng mga bogus na contractor at isang non-government organization na ang modus ay manggulo umano sa bidding para makotongan ang mga lehitimong bidder.

Ayon kay Camarines Sur LRay Villafuerte nangako si DPWH Secretary Manuel Bonoan sa mga miyembro ng Commission on Appointments (CA) na titignan ang reklamong ito.

Sa confirmation hearing ni Bonoan, sinabi ni Villafuerte ang mga reklamo ng mga DPWH district engineers at mga organisasyon ng mga contractor.

“Ako, ano lang, meron lang akong gustong i-raise na minor issue … meron kasing mga complaints … among district engineers and mga contractors’ associations, (that there are) mga contractors na ang trabaho lang ay nagbi-bid, sumasali, nanggugulo, tapos sumasahod lang,” sabi ni Villafuerte, majority leader ng CA.

Nagpasalamat si Bonoan sa pagsisiwalat na ginawa ni Villafuerte.

“Rest assured, Your Honor, that we will attend to it 100% in order that we can clean up and … more good governance in my administration in the department,” sabi ng kalihim.

Pinangalanan ni Villafuerte ang mga kompanyang ito: Precious Construction, St. Gerard Construction, Honey Ville Construction, St. Timothy Construction, Alpha and Omega Construction, Ware Construction, WCX Construction Corp., St. Matthew Construction at O.L. de Leon Construction.

Ang NGO naman umanong Crimes and Corruption Watch International na nagsisilbing opisyal na observer ay nagpapalutang ng mga alegasyon ng katiwalian para makapangikil sa mga kasaling bidder.

Sinabi ni Bonoan na ang naturang NGO na pinamumunuan umano ng isang Carlos Battalla ay na-accredit noong panahon ng nakaraang administrasyon.

“Ang modus operandi po nya, Secretary, NGO po sya, meaning observer po sya sa mga biddings nationwide, but ginagamit po nya yung position nya para mag-extort sa mga contractors,” sabi ni Villafuerte. “And I know na hindi nyo papayagan ‘yan. At marami na po akong na-receive sa aking opisina na ginagawa nila ‘to at kilala pa namin ‘tong si Carlo Batalla. Hindi naman ‘to anti-crime … short of saying, alleged extortionist po ‘to.”

Sinabi ni Villafuerte na nasa mabuting kamay ang DPWH sa ilalim ng pamumuno ni Bonoan. (Billy Begas)

The post Contractor sumasali sa bidding para mangotong, sisiyasatin ng DPWH first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT