Hindi makakaligtas ang isyu ng West Philippine Sea sa mga pag-uusapan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping sa nakatakdang bilateral meeting ng dalawang lider ngayong Huwebes.

Ayon kay Office of the Press Secretary Officer-in-Charge Cheloy Garafil, si Chinese President Xi ang isa sa mga unang makakausap ng Pangulo sa sidelines ng ginaganap na 29th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Bangkok, Thailand.

Sinabi ni Garafil na ang isyu sa WPS ang isa sa mga top agenda ng bilateral meeting ng Pangulo at ng Chinese President sa hangaring magkaroon ng kalutasan ang matagal ng usapin sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Naunang sinabi aniya ni Pangulong Marcos Jr. na imposible para sa kaniya na hindi mabanggit ang WPS kapag nakausap na nito si President Xi.

“President Marcos said the West Philippine Sea will be one of the top agenda if he meets with the Chinese president.The chief executive said that it’s impossible for him to talk to China without mentioning the West Philippine Sea issue.,” saad ni Garafil.

Bukod sa isyu sa WPS ay isusulong din ni Pangulong Marcos sa APEC Summit na magkaroon na ng resulta ang matagal ng isinusulong na Code of Conduct sa South China Sea para sa lahat ng mga bansang naghahabol sa mga teritoryo sa South China Sea. (Aileen Taliping)

The post Isyu sa West Philippine Sea agenda sa bilateral meeting nina PBBM at President Xi Jinping first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT