Naghain si Senador Manuel ‘Lito’ M. Lapid ng isang resolusyon na pumupuri sa Bonuan Boquig National High School (BBNHS) sa Dagupan, Pangasinan matapos masungkit ang 2022 ‘World’s Best School Prize for environmental action’.

Sa Senate Resolution 278, kinikilala ni Lapid ang effort ng nasabing paaralan para ibalik ang mga nasirang mangroves o bakawan na nasira ng bagyong ‘Ondoy’ noong 2009.

“Binabati ko ang mga mag-aaral at guro mula sa BBNHS sa inyong prestihiyosong karangalan at pagkilalang natanggap. Ako ay naniniwala na ang inyong kadalubhasaan at makabagong mga kasanayan sa edukasyon ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga paaralan at guro upang mapabuti pa ang kalidad ng edukasyon, sa loob at labas ng bansa,” sabi ni Lapid.

Sa nasabing resolusyon, pinuri ni Lapid ang BBNHS sa kanilang masugid na pagtaguyod ng kalikasan at pagtuturo sa kanilang mga estudyante ng kahalagahan ng pagpreserba at proteksyon.

Kinikilala rin ng senador ang pagsisikap ng nasabing paaralan, sa pakikipagtulungan ng kanilang lokal na komunidad, para maisulong ang kanilang adbokasiya para sa kalikasan.

“Napakagandang hakbang na nakikipagtulungan ang ating mga paaralan sa kanilang mga lokal na komunidad para mas mapaigting pa ang kanilang mga adbokasiya para sa kapaligiran,” sabi pa ni Lapid.

Tinalo ng BBNHS ang iba pang international finalist tulad ng International School of Zug & Luzern sa Switzerland, Green School of Bali sa Indonesia, kasama ang mga paaralan mula sa Argentina, Canada, Columbia, Greece, Malawi, Palestine at United Arab Emirates. (Dindo Matining)

The post Lapid pinuri ang Dagupan public high school first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT