Bibigyang prayoridad ng House Committee on Poverty Alleviation ang pag-apruba sa mga poverty reduction measures na isinusulong ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Kasama sa mga panukalang ito ang Drugs and Medicines Regulation Act, Rental Housing Subsidy Bill, National Land Use Act, Pandemic Resiliency Bill, Young Farmer and Fisherfolk Challenge Program, Unified System of Separation, Retirement and Pension, at pagsasabatas ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development.

Ayon sa chairperson ng komite na si 1-Pacman Rep. Mikee Romero isinumite ng NEDA ang mga panukala na tinalakay ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon sa briefing ng komite.

“With the support of the Speaker, we will work on the passage of the proposed laws recommended to the committee by NEDA. These measures are key to achieving the objectives of the eight-point socio-economic development agenda of the Marcos administration,” sabi ni Romero.

Ayon sa NEDA marami ang nawalan ng trabaho noong pandemya na nagpataas sa poverty incidence ng bansa.

Ang employment rate ay bumaba umano sa 92.1% ng labor force noong 2021 mula sa 94.7% noong 2018.

Ang 5.3% unemployment rate ay umakyat naman sa 7.9% samantalang ang underemployment na 16.4% ay naging 7.5% sa kaparehong panahon.

Kumpiyansa si Romero na darami ang mapapasukang trabaho sa bansa sa pagbubukas ng ekonomiya. (Billy Begas)

The post Mga panukala ng NEDA para tulungan mahihirap, prayoridad ng House panel first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT