Tinukuran ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na naisabatas 21 taon na ang nakakaraan upang maibaba umano ang presyo ng kuryente.

Isa umano sa mga amyenda na maaaring gawin ay ang pagtanggal sa probisyon na nagbibigay ng ekslusibong karapatan sa mga distribution utility sa mga lugar na saklaw ng kanilang prangkisa.

“We need to rid this market of monopolistic structures, particularly in the power distribution level, that have hindered true competition and prevented consumers from gaining access to industry players that offer better services and cheaper electricity,” sabi ni Villafuerte.

Ipinunto ni Villafuerte na ang probisyong ito ay taliwas sa 1987 Constitution na nagbabawal sa monopolya.

“The EPIRA Law of 2001 should thus be amended to make this Constitutional prohibition clear, so that competing DUs could be allowed to do business in areas currently serviced solely by franchisees. This way, consumers will have the power of choice as to which service provider to get, based on which one offers more stable, better and cheaper services,” paliwanag ng solon.

Ang pag-amyenda sa EPIRA ay isa sa prayoridad ng administrasyon na maisabatas.

Naniniwala si Villafuerte na magkakaroon ng tunay na kompetisyon sa bentahan ng kuryente kung aalisin ang pagbabawal sa mga distribution utility na pumasok sa mga lugar kung saan mayroon ng DU.

Kung mayroon kompetisyon maiiwasan din umano ang pagkakaroon ng overcharging sa mga kostumer na pikit-matang tinatanggap kung magkano ang singilin sa kanila dahil wala naman silang ibang mapagkukuhanan ng kuryente.

Pinatitignan din ni Villafuerte sa Department of Energy (DOE) ang pagkakaroon ng long-term power supply agreements (PSAs) para magkaroon ng fixed na presyo ng kuryente sa mahabang panahon hindi katulad ngayon na mabilis mag-iba.

Sinabi ng kongresista na dapat ding maging prayoridad ang paggamit ng natural gas at renewable energy sa paglikha ng kuryente upang makatulong sa pagpapababa sa presyo nito. (Billy Begas)

The post Pag-amyenda sa EPIRA tinukuran ni Villafuerte first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT