Pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam, binigyang-katwiran ng NIA
Ipinagtanggol ng National Irrigation Administration (NIA) ang ginawang pagpapakawala ng tubig sa Magat dam matapos umalma ang mga opisyal sa lalawigan ng Cagayan dahil sa dinanas na matinding pagbaha.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NIA Administrator Benny Antiporda na dumaan sa tamang proseso ang ginawa nilang pagpapakawala ng tubig at inabisuhan din ang mga ahensya at local government units sa kanilang gagawin.
Ginawa aniya nila ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam upang hindi mapuno ang dam at humantong sa mas hindi magandang sitwasyon.
“Lahat po ng actions po natin dito sa Magat is fully coordinated with the NDRRMC, fully coordinated with PAGASA and, of course, with the LGUs to make it sure na ang tao po, sakali pong kagaya nitong nangyari pong ito, it’s unavoidable flooding ‘no; unavoidable po iyan. Talagang napakalaki po ng volume ng tubig na bumagsak sa atin, but again, wala hong flashflood na nangyari. And people are notified as early as possible ‘no bago po tayo magpakawala ng tubig; hours before ay nagsa-siren po tayo, nagkakaroon po ng text blasts at full coordination,” saad ni Antiporda.
Binigyang-diin ng opisyal na Oktubre 28 pa sila nagpakawala ng tubig kaya hindi sila dapat sisihin sa nangyari sa Cagayan.
“Well, Vice Gov, iyon atin pong pagpapakawala ng tubig ay gradual po iyan, calculated, at the same time, we make it sure na iyon pong dapat pakawalan lang pinakakawalan natin na hindi naman po mag-claim ng lives po ng ating mga kababayan.So I’m just hoping na mag-coordinate din po ang LGU ng Tuguegarao din po sa atin. Sa atin po kasi, iyong sa kanilang risk and reduction nila ang kausap po natin when it comes to the operation on Magat Dam. Baka ho hindi na-inform si Vice Governor Vargas kung kaya’t nagsalita po ng ganoon sa TV, ” dagdag ni Antiporda.
Nauna rito, nagsalita si Cagayan Vice Governor Vargas na hindi sila naabisuhan na magpapakawala ng tubig ang Magat Dam kaya binaha ang maraming bayan sa Cagayan gayong hindi pa sila nakakaahon sa mga nagdaang mga pagbaha mula sa mga dumating na bagyo sa lalawigan. (Aileen Taliping)
META: Pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam, kinuwestyon ng mga opisyal ng Cagayan.
The post Pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam, binigyang-katwiran ng NIA first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento