Isang panukala ang inihain sa Kamara de Representantes para ideklarang Christmas capital ng bansa ang Pampanga.

Sa House Bill 5905 ni Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr. sinabi nito na kilala ang lungsod ng San Fernando sa lalawigan sa paggawa ng magaganda at naglalakihang parol na nagpapakita ng pagiging malikhain ng mga residente na itinatampok sa taunang ‘Ligligan Parul’ o the Giant Lantern Festival.

Sinabi ni Gonzales na mula noong 1990s ay inako na ng San Fernando ang titulong ‘Home of the Giant Lanterns’.

“This is due in part to the establishment of the Paskuhan Village, which was inaugurated on December 11, 1990. The first of its kind in Asia, the village is shaped like a giant lantern sprawling on 9.3 hectares of land in the city. It provides visitors the real Philippine Christmas experience year-round,” sabi ni Gonzales.

Bukod sa mga parol at iba pang produkto ng lalawigan na mabibili sa Paskuhan Village sinabi ni Gonzales na mayroon din itong Christmas museum, food court, conference facility at entertainment venue.

Binanggit din ni Gonzales sa panukala ang ulat ng international cable television network na CNN na nagtaguri sa San Fernando na ‘Asia’s Christmas Capital’.

Ang pagdedeklara sa Pampanga bilang Christmas capital ay pagkilala umano sa lantern-making industry na isa sa bumubuhay sa ekonomiya ng probinsya. (Billy Begas)

The post Pampanga ipinapadeklarang Christmas capital ng bansa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT