Sa gitna ng mga panawagan na isabatas ang mga karapatan ng homosexual, naghain ng panukala sa Kamara ang isang solon upang maprotektahan naman ang karapatan ng mga heterosexual.

Ayon kay House Committee on Human Rights chairperson at Manila Rep. Bienvenido Abante layunin ng kaniyang House Bill 5717 na bigyan din ng karapatan sa ilalim ng batas ang mga heterosexual o naaakit sa kasalungat na kasarian.

Binigyan-diin ni Abante sa kaniyang panukala ang nakasaad sa Bibliya na ang ginawa ng Diyos ay lalaki at babae lamang.

Ngayon umano ay nananawagan ang mga lesbian, gays, bisexual, transgender, queer at intersex, na isabatas ang kanilang mga karapatan kahit na taliwas ito sa nakasaad sa Bibliya.

“If we allow these bills to become a law, these groups of precious souls will be driven away and way from God….. The best way to avoid a perceived discrimination is to be what God created us to be,” sabi ni Abante.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng karapatan ang mga heterosexual sa kanilang paniniwalang pangrelihiyon, maipahayag ang kanilang saloobin at paniniwala at malayang makapag-ugnayan sa iba.

Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng lima hanggang pitong taon at pagmumultahin ng P100,000 hanggang P200,000.

Sa isang pahayag, sinabi ni Abante na ang kaniyang tanging nais ay pangalagaan ang karapatan ng lahat. (Billy Begas)

The post Para patas, Karapatan ng heterosexual itinulak sa Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT