Ikinakasa na ng gobyerno ang mga hakbang para sa pamimigay ng fertilizer vouchers sa mga magsasaka upang mapalakas ang rice production sa bansa.

Ito ang inihayag ng Office of the Press Secretary (OPS) matapos ilabas ng Department of Agriculture ang updated guidelines para sa implementasyon ng fertilizer discount project sa ilalim ng National Rice Program.

Batay sa Memorandum Order 65, sakop ng programa ang mga rehiyon na nakapagtanim ng inbred at hybrid na palay at hindi kasama dito ang National Capital Region at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ibibigay ang fertilizer vouchers sa mga kuwalipikadong benepisyaeyo na siyang gagamitin sa pagbili ng urea fertilizers na siyang ginagamit sa mga pananim ng mga magsasaka.

“The use of fertilizer vouchers offers an alternative to farmers with lowered purchasing power to buy a sufficient volume of urea recommended for their rice area,” anang DA Memorandum Order 65.

Inilabas na ang pondo para sa programa na hinugot sa unprogrammed fund ng D.A. mula sa 2022 General Appropriations Act upang maabot ng mga magsasaka ang kinakailangang urea fertilizer para sa kanilang inaasahang produksiyon ng palay.

Ang discount voucher ay may katumbas na Php 1,131 kada ektarya para sa inbred at Php 2,262 kada ektarya para sa hybrid na mga butil at ito ay one-time voucher lamang.

Batay sa data ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), ang average na presyo ng urea ay Php 2,523.68 bawat 50 kilogram at Php 2,490.35 para sa urea granular mula October 24-28. (Aileen Taliping)

The post PBBM mamimigay ng fertilizer voucher sa mga magsasaka first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT