Personal na pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino sa Cambodia sa suportang ibinigay sa kaniya noong panahon ng eleksyon.

Sa kaniyang pagharap sa Filipino Community nitong Linggo ng gabi, ipinaabot ng Pangulo ang kaniyang pasasalamat sa mga bumoto sa kaniya kahit hindi sila nakarating ng Cambodia para mangampanya dahil sa problema sa COVID-19.

Sinabi nang Pangulo na ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang isa sa mga nagbigay ng malaking boto sa kaniya kahit hindi sila nakabiyahe sa abroad noong panahon ng kampanya ni Vice-President Sara Duterte-Carpio.

“Pagkakataon na namin ito na magpasalamat ulit sa inyong lahat sa suportang ibinigay ninyo at hindi pangkaraniwan na suporta. Ito ang pinakamalaking boto na nakuha ng kahit sinong kandidato sa buong kasaysayan ng Pilipinas.Kaya’t pagka ipinapakilala ako ng ating mga butihing secretary at sinasabi, “Ang Pangulo ng Pilipinas,” ay lagi kong sinasabi kayo naman ang naglagay sa akin dito,” sambit ng Pangulo.

Nangako ang Pangulo sa mga Pinoy sa Cambodia na susuklian ng kaniyang administrasyon ang tulong na ibinigay sa kaniya noong halalan sa pamamagitan ng mga hakbang para makaahon ang Pilipinas mula sa epekto ng pandemya.

Nakatutok aniya ang kaniyang administrasyon sa pagpapalakas ng ekonomiya upang tuluyang makabawi sa pagkalugmok matapos magsara ang mga negosyo ng dalawang taon dahil sa COVID-19.

“At dahil sa inyong tuluyang pagsuporta at bukod pa doon sa inyong tuluyang pagmamahal ay maisusukli ko lang ang pagtulong sa ating mga kababayan at gagawin namin lahat sa ating pamahalaan, sa ating administrasyon ay gagawin natin lahat. Pero kahit na patapos ‘yung COVID, eh nag-iwan ito ng maraming kahirapan sa ekonomiya. Kaya’t ‘yun ang ating kailangang ayusin nang mabuti at kailangan natin tingnan at pag-isipan kung ano ba ang maaaring gawin upang naman tayo ay umahon na kaagad,” dagdag ng Pangulo.

Tiwala ang Presidente na makakabangon ang bansa basta magkaisa ang lahat at magtulungan para sa kapakanan ng bansa at ng mamamayan.

“At ‘yung aming slogan, ating slogan na sama-sama tayong babangon muli ay palagay ko pagkatapos ng limang buwan ay masasabi ko tuloy-tuloy na ang pagbangon nating lahat,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post PBBM nagpasalamat sa suporta ng mga Pinoy sa Cambodia noong eleksyon first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT