Hanggang ngayon ay hindi pa rin kumbinsido si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bilang ng mga namatay sa Typhoon Yolanda na nanalasa sa Samar noong 2013.

Sinabi ng Pangulo na sa unang araw pa lang matapos ang trahedya ay batid nitong marami ang namatay subalit naisama sa opisyal na bilang ng mga casualty.

Pinatigil aniya ng mga dating opisyal ang pagbibilang ng mga nasawi sa Yolanda sa 6,000 subalit sa kanyang paniwala ay mas marami pa rito ang nasawi.

“I have questioned it from day 1. Six thousand plus ang sabi nila, it’s not six thousand. It’s too late, it’s too late,” anang Pangulo.

Sa kanyang talumpati sa paggunita sa ika-siyam na anibersaryo ng Yolanda tragedy sa Holy Cross Memorial Garden sa Tacloban City, sinabi ng Pangulo kasama sa ginugunita ngayon ay ang maraming biktima na hindi naisama sa opisyal na bilang ng mga namatay na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita.

“I come here because I must commemorate those uncounted dead that up to now we don’t know how many that number is. We must come to these commemorations so that we will remember those who we were not told to remember,” dagdag ng Pangulo.

Marami aniyang mga biktima ang nawala sa trahedya at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita kaya naniniwala siyang mas marami pa sa anim na libo ang bilang ng mga nawala sa typhoon Yolanda.

Sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy na ipinagluluksa ang mga namatay sa trahedya kasama na dito ang mga biktimang hindi na nakita hanggang sa ngayon.

“We will not forget about them and we cannot forget about them. And I know that you do not forget about them, that is why we continue to commemorate Yolanda and we continue to grieve our dead because we not only grieve the dead that are here but we also grieve for those we don’t even know how many they are, who they are and where they are and for that the tragedy of Yolanda continues,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post PBBM: Namatay sa bagyong Yolanda, mas marami pa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT